panikì

Matatagpuan ang  panikì  (order Chiroptera) sa buong mundo. May mga pakpak itong may sapat  na kakayahan upang makalipad. Karamihan sa mga paniki ay kumakain ng insekto. Ang iba naman ay kumakain ng prutas. May iilang uri ng paniki na kumakain ng isda at ang iba naman ay umaasa sa nutrisyon ng ibang hayop. Sinasabing ang isang libong paniki ay káyang makaubos ng apat na toneladang insekto bawat taón. Kung mawawala ang mga paniki sa mundo, inaasahang tataas ang populasyon ng mga insekto. Ang isang paniki ay nabubuhay hanggang 20 taón.

Ang panikì ay nabubuhay sa iba’t ibang klima. Naninirahan ito sa mga lugar tulad ng kuweba, punongkahoy, at mga abandonadong gusali. Malakas ang pandinig ng mga paniki. Sa pamamagitan ng pakikinig, nalalaman nitó ang pagkakakilanlan at lokasyon ng mga insektong kakainin. Kumakain ang mga paniki tuwing gabi kung kailan tahimik ang paligid at kaunti lámang ang kakompitensiya sa pagkain. Malakas din ang pang-amoy nitó, pati na ang pandamá ng mga pakpak na katulad sa dulo ng daliri ng tao. Nakakarating ito hanggang 800 kilometrong layò para maghanap ng pagkain. Matalas ang mga ngipin ng paniki kayâ mabilis nitóng nabubuksan ang prutas na gustong kainin. Nakakatulong din ito upang makagat ang mga insektong may matitigas na buto o balát.

Halos lahat ng uri ng paniki ay gisíng sa gabi at natutulog tuwing umaga. May mga panahong natutulog ito nang mahabàng panahon. May ilang natutulog sa loob ng kuweba sa loob ng anim na buwan. Hindi rin ito ma-syadong nakakalipad sa tag-ulan. Ang ingay na dulot ng pagpatak ng tubig ay nakakahadlang sa kanilang pakikinig sa paligid.

May mga panikìng naninirahan nang sáma-sáma sa isang kuweba at sa pamamagitan ng mga tunog ay nagkakaroon ng komunikasyon sa isa’t isa. Maaaring manganak ng tatlo ang paniki depende sa uri, kalagayan ng paligid, at dami ng pagkain. Karamihan ay nagsisilang ng isa lámang bawat panganganak. Inaalagaan ng paniki ang anak hang-gang sa ito ay lumaki at matutong lumipad. Nagagawa ng mga babaeng paniki ang magkontrol ng panahon ng kanilang pagbubuntis at panganganak para makapagplano ng mapagkukunan ng pagkain para sa mga anak. Inihihinto nito ang pagdaloy ng sperm sa itlog upang mai-hinto ang pagbubuntis ng mga ilang buwan. Kadalasan, nanganganak ang mga paniki sa panahon ng pagbubunga ng mga punongkahoy upang may makuhang mga prutas.

Upang maiwasan ang pagkawala ng mga panikì, kumikilos ang iba’t ibang organisasyon para mapangalagaan ang mga ito. Pinag-aaralan din nila ang magagandang naidudulot ng paniki sa agrikultura. Ang ilan ay gumagawa naman ng artipisyal na tirahan ng mga paniki. (ACAL)

 

[cite]