panglimá
Ang pamamahalang Muslim sa Mindanao, ang panglimá ay pinunò sa isang pook at may kapangyarihang katumbas ng gobernador. Sa lipunang Muslim, ito ang ranggo na mas mababà kaysa datu. Ang panglima ay hindi nabibilang sa angkan ng mga dugong bughaw gaya ng sultan at datu at sa halip ay isang maharlikang may hawak ng kapangyarihan sa mga administratibong bagay. Tungkulin ng isang panglima ang pangongolekta ng buwis, paglilitis ng mga hidwaan, pag-oorganisa ng mga magiging bahagi ng sapilitang serbisyo, at pagdedeklara ng mga atas ng sultan.
Naging mahalaga rin ang mga panglima sa pagtutol laban sa mga puwersa ng mga kolonyalistang Americano sa Filipinas noong simula ng siglo 20. Si Panglima Imam Hassan ay nanguna sa rebelyong Moro na kilalá bilang Pagaalsang Hassan noong Digmaang Filipino-Americano.
Siyá ang pinunò ng distrito ng Luuk, Sulu at unang lider na Tausug na sumalungat sa utos ng sultan na sundin ang kapangyarihan ng mga Americano. Isa si Panglima Sawadjaan sa mga kumalaban sa mga patakaran at pananakop ng mga Americano sa lupain ng mga Muslim. Nagtungo siyá, kasáma ang ibang lider na Tausug at libong tagasunod, sa Bud Dajo upang doon ay itatag ang kanilang base laban sa mga Americano. Si Panglima Amil naman ang namunò sa labanang naganap sa Bud Bagsak. Sa pagkagapi ng grupo ni Amil, nagwakas din ang mga pangunahing rebelyong Moro sa unang sampung taon ng pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas. (KLL)