Panglao

Ang Panglao (Pang·láw) ay isang popular na pook bakasyunan at isla sa timog-kanlurang bahagi ng lalawigan ng Bohol sa gitnang Visayas. May lawak itong 80.5 km2 at nahahati sa dalawang bayan, ang Panglao at Dauis. Pinalilibutan ito ng maliliit na pulo tulad ng Balicasag, Gakang, at Pontod.

Tampok sa Panglao ang mga dalampasigan na may putîng buhangin at malinaw na dagat. Pangunahin sa mga ito ang Alona Beach, ang pinakamaunlad sa mga aplaya ng Bohol. Dito matatagpuan ang karamihan sa mga resort. Nariyan din ang mga beach ng Bagobo, Bolod, Danao, Doljo, at Momo. Karamihan sa mga dalampasigang ito ay malapit sa mga dive site na dinadayo ng mga scuba diver at snorkeler mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Hitik sa bu-hay akwatiko ang dagat, at hindi ikagugulat na makakita ng marami at makukulay na uri ng isda, tangrib, krustasyan, at pating. Matatagpuan sa timog-kanluran ng Panglao ang isla ng Balicasag, itinuturing isa sa pinakamagandang dive site ng Filipinas.

Maliban sa baybayin at dagat, atraksiyon din ang tore ng Panglao na itinayô noong 1851, at ang Yungib Hinagdanan na may bukal ng tubig mula sa ilalim ng lupa. Mahalaga ang bukal na ito sapagkat walang ilog o lawa sa Panglao. (PKJ)

Cite this article as: Panglao. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/panglao/