Jose Maria Panganiban
(1 Pebrero 1863–19 Agosto 1890)
Si Jose Ma. Panganiban (Ho·sé Ma·rí·ya Pa·nga·ní·ban) ay manunulat at aktibong kalahok sa Kilusang Propaganda. Gumamit siya ng sagisag panulat na Jomapa at J.M.P. sa pahayagang La Solidaridad.
Isinilang siyá noong 1 Pebrero 1863 sa Mambulao, Camarines Norte kina Vicente Panganiban at Juana Enverga. Ang kaniyang ina ang nagturo sa kaniya ng kartilya, katon, at katekismo. Nang mamatay ang kaniyang ina, pinag-aral siyá ng kaniyang ama sa isang seminaryo sa Naga, Camarines Sur at nakatapos ng kursong Pilosopiya noong 1882. Sa tulong ng direktor ng kaniyang pinasukang seminaryo, nakapag-aral siyá sa Colegio de San Juan de Letran. Pagkaraan ay kumuha siyá ng medisina sa Universidad de Santo Tomas. Noong 1887, isinulat niya ang Anatomia de Regines na kinilála bilang isa sa mahusay niyang katha. Ang mga isinulat niya tungkol sa general pathology, therapeutics at surgical anatomy ay pinarangalan din. Ang isang antolohiya ng kaniyang mga akda ay tinipon ni Padre Gregorio Echevarria, rektor ng Universidad de Santo Tomas, at ipinadalá sa Exposicion General de Filipinas sa Madrid noong 1887.
Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Universidad de Barcelona sa España noong 1888. Hábang nása España, nabása niya ang mga isinulat ng mga Filipinong propagandista. Naging dahilan ito upang sumapi siyá sa grupong Asociacion Hispano-Filipina at La Solidaridad. Naging sagisag- panulat niya ang Jomapa at J.M.P. Sumulat siyá tungkol sa malîng sistema ng edukasyon sa Filipinas at ang hangarin ng malayang pagpapahayag ng saloobin ng mga Filipino. Kinilála mismo ni Jose Rizal ang kaniyang husay sa pagsulat at dakilang adhika para sa bansa. Ang ilan sa mga artikulong isinulat niya ay “El Pensamiento,” “La Universidad de Manila: Su Plan de Estudio,” at “Los Nuevos Ayuntamientos de Filipinas.” Sumulat din siyá ng tula at maikling kuwento gaya ng “Ang Lupang Tinubuan,” “Noches en Mambulao,” “Sa Aking Buhay,” “Bahia de Mambulao,” “La Mejerde Oro,” “Amor mio,” “Clarita Perez,” at “Kandeng.”
Nang magkaroon ng tuberkulosis, humingi siya ng tawad kay Rizal na hindi na siya makatutulong pa sa kilusan. Namatay siya sa Barcelona noong 19 Agosto 1890 sa kaniyang tinitirahan sa Rambla de Canaletas 2. Noong 1 Disyembre1934, sa pamamagitan ng Act No. 4155 ay ipinangalan sa kaniya ang bayan ng Mambulao, Camarines Norte. Sa tulong ng historyador na si Domingo Abella ay naibalik sa Filipinas ang kaniyang mga labí mula sa Barcelona. (KLL)