Pangampóng

Pangampóng o kayâ’y “pengampong,” pungampung” ang tawag sa sistema ng pangangasiwa ng mga teritoryo ng mga Mëranaw sa Mindanao mula pa noong ika-16 dantaon. Hindi tulad ng Sulu at Maguindanao, walang sultanato o sentral na pamahalaan ang mga Mëranaw. Sa halip tinatawag na Pat-a Pangampong ku Ranao ang mga bayan ng Lanao Bayabao, Masui, Onayan, at Baloi. Pinamumunuan ito ng Konseho ng mga Matatanda. Kasáma ng sultanato, sa mga pangampong nakaugat ang karapatan sa sariling pamamahala ng Bangsamoro sa kanilang sinaunang teritoryo na kanilang ipinaglalaban hanggang sa kasalukuyan.

Pinamamahalaan ng Pat-a Pangampong Ku Ranao ang mga panloob na bahagi ng Lanao Del Sur, Lanao del Norte, mga bahagi ng Bukidnon, Agusan, at silangan at kanlurang Misamis. Ang pangampong ay binubuo ng mas maliit na distrito na tinatawag na “soko.” Ang mga soko ay maaaring mahati sa mga baryo o “inged” na binubuo naman ng mga agama—ang katumbas ng laki sa isang barangay. Ang lahat ng mga klasipikasyong ito ng mga teritoryo ang bumubuo sa Bangsa-Mëranaw o kalipunan ng mga kulturang Mëranaw sa Mindanao.

Magkakapantay sa kapangyarihan, awtoridad, at prestihiyo ang apat na pangampong ng Lanao. Naiiugnay ang alyansa at kapatiran ng mga ito sa pinamahalaan ng sinaunang kasunduang tinatawag na “taritib.” Napagkasunduan ng mga ninunong tagapagtatag ng mga pangampong ang taritib upang siyáng magbigay ng kahulugan sa lahat ng antas ng organisasyon at ugnayan sa loob ng mga komunidad na Mëranaw, pati na ang kanilang pagkakamag-anakan. Pinag-uugnay rin ng taritib ang mga mamamayan at mga pamayanan sa kawing ng mga seremonyal at legal na obligasyon.

Itinuturing ng mga Mëranaw ang lupa bilang “pusaka” pamana ng mga ninuno na kanilang pinag-iingatan. Namamana ito at hindi maaaring kunin maging ng datu. Maaari lamang itong ibigay bilang regalo o kayâ’y bigaykáya sa kasal kung mapagdesisyunan ng agama o ng lokal na komunidad. Walang indibidwal na may-ari ng lupa, kahit na ang datu, tagapangasiwa lamang siyá ng paggamit nitó sa kaniyang nasasakupan. (WFF)

Cite this article as: Pangampong. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pangampong/