pandán

Isang punongkahoy ang pandán (Pandanus tectorius), tuwid, at karaniwang tumataas ng limang metro. Ang punò ay matabâ, naliligid ng mga pilat ng dahon, at may malalabay na sanga. Marami itong tukod na ugat upang suhayan ang punongkahoy na lubhang mabigat ang ituktok dahil sa maraming dahon, sanga, at bunga. Ang dahon ay tila sin-turon sa habà, mula sa 30 sentimetro hanggang 2 metro, at may lapad na 10 sentimetro. Ang bulaklak ng lalaki ay mahabà at mahalimuyak. Ang bulaklak ng babae ay nagbubunga nang bilugan, 10-20 senti-metro ang diyametro, at tila pinya ang anyo. Kinakain ng paniki, daga, at alimango ang bunga nitó.

Tumutubò itong tila dawag sa baybayin ng Filipinas. Itinatangi ito bilang gamit sa pagluluto at bilang halamang-gamot. Ang dahon ng pandan ay isinasama sa sinaing upang magdulot ng bango sa kanin. Ipinampapabango din ito sa inumin at pampalasa sa sorbetes. Ngunit ang dahon, pati ang ugat, ng pandán na naipanggagamot din. Nagtataglay ang mga bahaging ito ng langis, tannin, at alkaloid kayâ naigagamot sa sakit ng ulo, rayuma, at ibang kirot. Naipanlilinis din ito ng sugat. Sa India, natuklasan na ang dahon ng pan-dan ay naigagamot sa sakit sa balát na gaya ng ketong at bulutong. Sa Hawaii, ang bulaklak ay nginunguya at ginagamit na laksatiba. (VSA)

 

Cite this article as: pandán. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pandan/