Panatàng Makabáyan
Ang Panatàng Makabáyan ang panunumpa sa watawat na binibigkas ng mga estudyante pagkaraang awitin ang Pambansang Awit. Ang pagbigkas ng panunumpa sa watawat ay pagkilála sa pagkabansa ng Filipinas at pagpapakita ng paggalang sa watawat bilang sagisag ng kalayaan ng bansa. Layunin nito na pag-alabin ang diwang makabayan ng mga kabataang Filipino upang maglingkod silá nang tapat sa bayan at maging mabuting mamamayan.
Unang ipinatupad ang pagbigkas ng Panatàng Makabáyan sa mga paaralang publiko at pribado noong11 Hulyo 1955 sa bisà ng Kautusuang Pangkagawaran Blg. 8 ng Kagawaran ng Edukasyon. Ang Kautusan ay pagtalima sa isinasaad ng Batas Republika Blg. 1265 na pinagtibay noong 11 Hunyo 1955. Binago at pinasimple ang ilang linya ng Panatàng Makabáyan noong 9 Nobyembre 2001 sa bisà ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 54 s.2001. (SMP) (ed VSA)
Narito ang bagong bersiyon ng Panatang Makabayan:
Iniibig ko ang Filipinas,
aking lupang sinilangan,
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Filipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking magulang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan:
naglilingkod, nag-aaral at nagdarasal
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Filipinas.