Pambansâng Párke ng Ílog sa Ilálim ng Lupà ng Puerto Princesa
Napabílang ang Puerto Princesa Subterranean River National Park o Pambansâng Párke ng Ílog sa Ilálim ng Lupà ng Puerto Princesa (Pu·wér·to Prin·sé·sa) noong 1999 sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO dahil sa kamangha-manghang pagkabuo ng limestone karst at sa mahabàng ilog nitong naglalagos sa paanan ng bun-dok. Matatagpuan ito sa bulubundukin ng Saint Paul sa Hilagang-Kanluran ng Lungsod Puerto Princesa, sa Pala-wan. Kilala rin ito bilang St. Paul’s Subterranean River National Park o St. Paul’s Underground River. Itinanghal ang pambansang parkeng ito bilang isa sa New Seven Wonders of Nature noong 28 Enero 2012.
Bukod sa pagiging isang kamangha-manghang tanawin, ang parke ay isa ring mahalagang lugar sa pangangalaga ng saribuhay. Matatagpuan dito ang isang biyolohikong komunidad ng magkakaugnay na organismo mula bun-dok hanggang dagat. Ang kabundukang sakop nito ay nababálot ng mahigit 90% ng malalaking karst o di-regular na pormasyon ng mga batong-apog. Matatagpuan din dito ang malagong kagubatan ng naglalakihang mga punongkahoy. May bakawan, damong dagat, tangrib, at makapal na lumot ang paligid na malapit sa dalampasigan.
Ang pangunahing panghalina ng parkeng ito ay ang St. Paul’s Underground River Cave na may 24 kilometro ang haba. Bahagi nito ang Cabayugan River na 8.2 kilometro ang haba. Natatangi ang ilog na ito dahil tumatagos ito sa isang yungib bago tuluyang dumaloy sa South China Sea. Namumukod ang yungib na ito dahil sa malalaking pormasyon ng stalactites at stalagmites at sa pagkakaroon ng mga silid ng yungib nito.
Matatagpuan din sa parkeng ito ang mga nanganganib na mga espesye ng hayop gaya ng Palawan Peacock Pheasant, dugong, bayawak at pagong-dagat habang pangkarani-wan namang matatanaw ang Palawan tree shrew, Palawan porcupine, Palawan stink badger at iba’t ibang uri ng isda, hipon at ahas. (RVR)