Pambansâng Muséo ng Filipinas
Itinatag ang Pambansâng Muséo ng Filipinas o National Museum of the Philippines noong 1901 upang magsilbing tagapangalaga ng kasaysayang kultural, likás na agham, at agham panlipunan ng bansa. Ang neoklasikong gusali ng lumang Kongreso sa Kalye Padre Burgos sa tabi ng Liwasang Rizal, malapit sa Intramuros, Lungsod Maynila ang nagsisilbing pangunahing gusali ng Pambansang Museo. Sa gusaling ito matatagpuan ang National Art Gallery, samantalang matatagpuan ang Museo ng Lahing Pilipino (mga dibisyon ng antropolohiya at arkeolohiya ng Pambansang Museo) sa katabing gusali sa Agrifina Circle na dáting opisina tahanan ng Kagawaran ng Pananalapi.
Bahagi ang dalawang gusali sa disenyo ng arkitektong Americano na si Daniel Burnham para sa kapitolyo ng Maynila. Sinimulang ipatayô ang gusali ng lumang Kongreso noong 1918 ayon sa disenyo nina Ralph Harrington Doane at Antonio Toledo upang maging tahanan ng Pambansang Aklatan ng Filipinas. Noong 1926, pinagpasiyahang gawin itong gusali ng lehislatura ayon sa pagbabago sa plano ni Juan Arellano. Nasira ang gusali noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at nang maayos ay nagsilbing tanggapan ng Kongreso, Pangalawang Pangulo, Senado, Sandiganbayan, at Ombudsman. Inilipat ito sa Pambansang Museo noong 1998 at ipinahayag bilang Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan (National Historical Landmark) noong 2010.
Ilan lamang sa mga pag-aaring yaman ng Pambansang Museo ang bantog na pinturang Spoliarium ni Juan Luna, ang Tapayang Manunggul, at ang mga artifact na naiahon mula sa lumubog na galeong San Diego. Bilang isang organisasyon, ang Pambansang Museo ay pinangangasiwaan ng isang direktor na nása ilalim ng Kalupunan ng mga Gobernador(Board og Governors) at ulo ng isang network ng mga museo sa buong Filipinas. Nangangasiwa din ito sa mga paghuhukay na arkeolohiko at ibang eksplorasyon sa iba’t ibang pook sa bansa. (PKJ)