Pambansâng Komisyóng Pángkasaysáyan ng Filipínas
Ang Pambansâng Komisyóng Pángkasaysáyan ng Filipinas o National Historical Commission of the Philippines ang sangay ng gobyerno na nagpapanatili at nangangalaga sa mga makasaysayang pamána ng lahing Filipino. Itinataguyod nito ang paglinang at pagpapalaganap ng kasaysayan ng Filipinas at mga pangkulturang pamana. Upang makamit ang mga layunin, nagpapatupad ang komisyon ng mga proyektong pananaliksik at pinangangasiwaan nito ang mga makasaysayang lugar. Isa sa pangunahing tungkulin nito ang paglalathala ng mga sulatin ng mga pambansang bayani at iba pang dakilang Filipino.
Ang pinakaunang ahensiya sa Filipinas na nangalaga sa mga makasaysayang pamána ay ang Philippine Historical Research and Markers Committee (PHRMC). Itinatag ito noong 23 Oktubre 1933 sa bisà ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 451. Marami pang mga komite at komisyong pangkasaysayan ang naitatag mula 1937 hanggang 1962. Kabílang sa mga ito ang The Philippine Historical Committee(1937), The Jose Rizal National Centennial Commission(1954), Rizal Presidential Committee (1962), at ang National Heroes Commission (1962).
Itinatag ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan o National Historical Commission noong 1965 sa bisa ng Batas Republika Blg. 4368. Binuwag ng batas na ito ang Pangkasaysayang Komite sa Filipinas at Pambansang Komisyon ng Bayani upang makonsolida ang isang komisyong mangangalaga at magtataguyod ng kasaysayan ng bansa. Noong 24 Setyembre 1972, nilikha ang National Historical Institute sa bisa ng Pampanguluhang Kautusan Blg. 1. Sa kasalukuyan, sa bisa ng Batas Republika Blg. 10086 noong 12 Mayo 2010, ang National Historical Institute ay binigyan ng dagdag na kapangyarihan, binago ang komposisyon ng kalupunan, at ginawang National Historical Commission of the Philippines. (SMP)