Pambansâng Áwit

Ang musika ng Pambansâng Áwit ng Filipínas ay nilikha ni Julian Felipe at may orihinal na pamagat na “Marcha Filipina Magdalo.” Nang hirangin ang awit bilang opisyal na himno ng Republika ay pinalitan ito ng pamagat at ginawang“Marcha Nacional Filipina.” Wala itong titik nang gamitin sa okasyon ng pagdedeklara ng Unang Republika ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 sa Kawit, Cavite. Ang bánda ng San Francisco de Malabon ang inatasang tumugtog nito sa pagkompás ni Felipe. Ang musika ay nasa batayang kompás na 2/4 at nasa tunugang C Mayor. Noong 1924, ang orihinal na manuskrito ng musika ay opisyal na binili ng gobyerno mula kay Felipe sa halagang apat na libong piso.

Ang mga titik naman ng Pambansang Awit ng Filipinas ay nagsimula bilang isang tula sa Español na isinulat ni Jose Palma. May pamagat itong“Filipinas” at inilathala sa unang anibersaryo ng La Independencia noong 3 Setyembre 1899. Nang lumaon, ginawa na itong opisyal na titik ng himno. Noong dekada 20 unang nagkaroon ng salin sa wikang Ingles at ginawa nina Camilo Osias at Mary Lane at may titulong Philippine Hymn. Inilimbag ang salin at musika sa 1924 edisyon ng Progressive Music Series na pinamatnugutan ni Horatio Parker. Noong dekada 40, lumitaw ang di-iilang salin sa Tagalog ng titik ng himno. Noong panahon ng pananakop ng Japan sa Filipinas, opisyal na isinalin ang titik sa Tagalog sa titulong Diwa ng Bayan. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagkaroon ng hiwahiwalay na pagsasalin sina Julian Cruz Balmaceda, Ildefonso Santos at Francisco Carballo at naging batayan ng pinalaganap na bersiyong naging popular sa tawag na “O Sintang Lupa.”

Noong 26 Mayo 1956, bumuo ng isang komite para lumikha ng isang bagong bersiyon ng awit sa wikang Filipino. Nasa komite ang mga kinatawan ng Pangasiwaan ng Edukasyon, Kawanihan ng Publikong Paaralan, Kawanihan ng Pribadong Paaralan, Unibersidad ng Pilipinas, mga samahang pampanitikan, at Philippine Constabulary Band. Sa pangangasiwa ng Direktor ng Surian ng Wikang Pambansa. Ang resulta ay inilabas sa Executive Order No. 60 noong 19 Disyembre 1963. Dito, ang awit na may pamagat na “Lupang Hinirang” ay ipinaturo sa mga paaralan at ipinagamit sa mga gawain ng pamahalaan. (RCN) (ed GSZ)

Cite this article as: Pambansang Awit. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pambansang-awit/