Pamahaláan

Ang pamahaláan ay isang organisasyon na daluyan ng pamamahala at kapangyarihan ng estado. Kilalá rin ito sa tawag na gobyérno (gobierno) mulang Español at government mulang Ingles. May dalawang pangunahing uri ng pamahalaan: Pambansa at Lokal. Ang kapangyarihan ng isang pambansang    pamahalaan ay sumasaklaw sa buong teritoryo ng estado samantalang ang kapangyarihan ng lokal na gobyerno ay nalilimitahan ng umiiral na batas. Maaari lámang itong mamahala at tumupad ng kapangyarihan sa mga naitalagang seksiyon o dibisyon ng pambansang teritoryo kagaya ng lalawigan, munisipalidad, lungsod, barangay, at iba pang dibisyon na maaaring itakda ng batas.

Dahil ang kapangyarihan ng mamamayan ang nananaig sa isang demokratikong estado, ang buong pamahalaan ay may absolutong pananagutan sa mamamayan. Kaiba ito sa mga awtokratikong pamahalaan na nagpapatupad ng kapangyarihan batay sa nais ng pinunò o grupo ng mga pinunò at walang pananagutan sa mamamayan. Sa mga demokratikong lipunan, nagkakaroon ng iba’t ibang anyo at sistema ang pamahaláan. Maaari itong maging pampanguluhan o parlamentaryo. Sa pampanguluhang sistema ng gobyerno, ang pamamahala at kapangyarihan ay dumadaloy mula sa opisina ng pangulo katuwang ng kaniyang administratibong gabinete. Sa parlamentaryong sistema, ang direktang pamamahala ay ipinatutupad ng parlamento. Bumubuo ang batasan ng isang pamahalaang gabinete upang magsilbing tagapagpaganap.

Naging makiling sa sistemang pampanguluhan ang mga pamahalaang pambansa ng Filipinas mula sa Republikang Malolos at hanggang kasalukuyan. Halos ganap ang kapangyarihang ibinigay kay Pangulong Emilio Aguinaldo ng Konstitusyong Malolos. Ang kasalukuyang sistema ay nabuo mula sa pamahalaang Komonwelt na itinatag ng mga Americano. Naghahati sa kapangyarihan ang tatlong pambansang sangay ng pamahalaan sa pangunguna ng Pangulo ng Filipinas, Kongreso, at Kataas-taasang Hukuman. (SMP)

Cite this article as: Pamahalaan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pamahalaan/