palotsína

Ang palotsína ay isang palumpong na mahabà ang dahong pabilóg sa dulo at dilaw ang bulaklak. May pangalang siyentipiko itong Herpetica alata na sinonimo sa Senna alata, at kabilang sa sub-pamilyang Caesalpinioideae. Isang halamang gamot ang palotsína na ginagamit din bilang halamang ornamental.

May taas itong tatlo hanggang apat na metro, at may habàng 50-80 sentimetro ang mga dahon. Tila dilaw na kandila naman ang mga bulaklak nitó kayâ kilalá rin ito bilang candelabra bush, candle plant at candletree sa Ingles. Ang mga bunga nitó’y humahabà nang hanggang 25 sentimetro. Madalîng patubuin ang mga buto nitó, na maaaring itanim nang tu-wiran sa lupa, o alagaan pansamantala sa narseri ang mga usbong.

Nagagamit umano ang palotsína sa mga impeksiyon sa balát dulot ng funggus, o ringworm na nakahahawang sakít sa balát na sanhi ng parasitikong funggus at nagdudulot ng pabilog na batík sa balát. Dinidikdik ang mga dahon ng palotsína at sakâ nilalagyan ng langis bago ipa-hid sa apektadong bahagi ng katawan. Ito rin umano ang dahilan kayâ madalas gamitin ang palotsína bilang lahok sa paggawa ng mga sabon, shampoo at losyon. Maaari rin umano itong gamiting pantunaw ng kinain. (ECS)

 

 

Cite this article as: palotsína. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/palotsina/