palméra
Ang palméra (Dypsis lutescens) ay isang uri ng palma, payat ang punò, mahabà at kurbado ang dahong magkakasunod ang laki, putî ang maliliit na bulaklak, at pulá at lilang madilim ang hitik na bulaklak. Tumataas ito mula 20 hanggang 30 talampakan at lumala-pad nang walo hanggang sampung talampakan. Malabalahibong berdeng dilaw ang mga dahon nitó. Namumulaklak at namumunga ito sa buong taon at itinatanim sa mga rehiyong tropikal.
Karaniwang itinatanim ito bilang halamang ornamental sa labas o loob ng bahay. Sinasabing nasasalà nitó ang mga nakalalasong xylene at toluene sa hangin. Sa taas naman na higit sa 5 talampakan, nagpapasingaw ito ng isang litro ng tubig kada 24 oras, kayâ mainam bilang humidifier.
Katutubo ito sa Madagascar at ipinasok sa Filipinas noong bungad ng siglo 20. Tinatawag din itong yellow butterfly palm, bamboo palm, at areca palm. Tinawag itong butterfly palm dahil sa mga dahon nitóng nása maraming tangkay at kumukurbang papataas na tíla hugis paruparo. (KLL)