Palayók Calatagán
Ang Palayók Calatagán (Ka·la·ta·gan) ay isang kakaiba’t sinaunang palayok na nahukay sa isang pook arkeolohiko sa Talisay, Calatagan, Batangas noong 1960. Parang karaniwang palayok ito na may taas na 12 sm at lapad na 20.2 sm, at may pabilog na hugis, ngunit naiiba dahil sa iniukit na mga titik baybayin sa palibot ng balikat nitó malapit sa bibig. Umaabot sa 39 ang iniukit na sinaunang titik.
Hindi pa natatapos ang pagbása sa kahulugan ng nakasulat sa palayok. May mga iskolar na naniniwalang ito ay dasal o pag-aalay at ginamit ang palayok upang sunugin sa loob nitó ang isang bagay na hindi pa rin natutukoy. Ayon naman kay Juan R. Francisco, na nag-aral tungkol sa Palayok Calatagan, mahirap matukoy kung saan nagsisimula at nagtatapos ang teksto dahil tuloy-tuloy ito sa palibot ng palayok. May pagkakatulad ang nása palayok sa katutubong mga titik sa pagsulat ng mga Mangyan at Tagbanwa. Gayunman, kailangan pa ng mas masusing pag-aaral upang lubusang maunawaan ang kahulugan ng nakasulat.
Mahalaga ang pagkakatuklas sa Palayok Calatagan kasama ng iba pang kagamitang seramiko mula sa Thailand at China na nakarating sa Filipinas noong ika-15 siglo. Isa itong materyal na patunay na maunlad na ang sistema ng pagsulat ng mga katutubo bago pa man dumating ang mga Español. Sa katunayan, sa obserbasyon ng mga dayuhang sina Fray Pedro Chirino at Fray Francisco Colin noong umpisa hanggang kalagitnaang bahagi ng 1600, halos lahat ng mga mamamayan sa Maynila ay marunong sumulat at bumása sa baybayin. Napalitan ang katutubong baybayin ng alpabetong Romano na ipinagamit sa panahon ng kolonyalismong Español. Gayunman, ang mga relikyang katulad ng Palayok Calatagan ay nagpapaalaala sa atin sa ating sinaunang kabihasnan. (JM)