Palaui

Ang isla ng Palaui (pa·lá·wi) ay isang marikit na pulo sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan. Dinadayo ang nakalatag na mga putîng buhanginan sa baybayin ng Palaui gayundin ang mga talon at magagandang tanawin. Ipinagmamalaki din nitóang isang matandang parola na gawa ng mga Español at tinatawag na Farol de Cabo Engaño.

Ang Sta. Ana ay isang Special Economic Zone at hitik sa mga modernong pagawaang industriyal, casino, at ibang aliwan. Sa gayon, ang Palaui ay isang bakasyu-nan para sa mga nais lumasap ng ganda ng kalikasan. Sinasabing ang isla ay nabuo sa mga abong bulkaniko at nása pagitan ngayon ng Dagat Kanlurang Filipinas at Karagatang Pacifico. Ilang pamilyang mangingisda ang nakatira sa pulo. Noong 1994 idineklarang National Marine Reserve ang paligid nitó na umaabot sa 7,145 ektarya. Matatagpuan sa tubigan nitó ang 21 species ng isda at 50 ektarya ng tangrib.

Nása hilagang dako ng isla ang Kabo Engaño at nása tuktok ng isang gulod ang Farol de Cabo Engaño. Ang parola ay idinisenyo ni Magin Pers y Pers at sinimulang itayô noong 1887. Natapos ito noong 30 Disyembre 1892. (ABSM)

 

 

 

Cite this article as: Palaui. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/palaui/