palakâ

Ang palakâ (Cyclorana novaehollandiae) ay isang maliit na hayop na walang buntot ngunit may mahahabà at malalakas na binti na ginagamit sa pagtalon. Malaki ang mga matá nitó. Tipikal sa palaka ang mamuhay sa lupa ngunit may panahon din na tumitigil ang mga ito sa mga basâng lugar na tulad ng kanal, lawa, at sapà. Nakakáya nitóng mag-ipon ng tubig sa loob ng katawan kayâ kalahati ng bigat ng palaka ay ang inipong tubig. Marami at isang kumpol kung mangitlog ang palaka. Ang mga itlog nitó ay tinatawag na uló-uló dahil sa itsura nitóng pabilog.

May mahigit sa 4000 uri ng palakâ sa mundo, at hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ang nadidiskubre. Nakikita ang mga ito sa mga tropikong kagubatan. Ayon sa pag-aaral, matagal nang nabubuhay ang palaka sa mundo. Ang pinakalumang bakás ng palaka ay sinasabing noong panahon pa ng Jurassic o 200 milyong taón na ang nakalilipas. Maaaring nagmula ito sa mga hayop na may ma-habàng katawan, may buntot, at maikling mga binti.

Mahalaga ang palakâ sa buhay ng tao. Karamihan sa mga ito ay kumakain ng mga insekto na sadyang peste sa tao. Bukod dito, ginagawang masarap na lutuin ang palaka sa Europa. Ginagamit din ang mga ito sa maraming pag-aaral tungkol sa katawan ng mga hayop. Mga insekto ang kinakain nitó, at paminsan-minsan ay butiki at dagâ sa disyerto. Lumalaki ito hanggang 10 sentimetro. Ang sáma-sámang pag-iingay ng mga lalaking palaka ay tanda na naghanap ang mga ito ng makakapareha. (ACAL)

 

 

Cite this article as: palakâ. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/palaka/