pakwán
Ang pakwán ay kapamilya ng milón sa pamilyang Cucurbitaceae at tulad ng milón ay gumagapang na baging at paboritong prutas kapag tag-init. Ipinalalagay na unang itinanim ang pakwán sa katimugang Africa. Gayunman, sa ika-10 siglo ay may ulat nang itinatanim ang pakwán sa China, na pinakamalaki ngayong prodyuser ng prutas na ito. Walang tiyak na petsa kung kailan ito ipinasok ng mga Chino sa Filipinas.
Ang habilog na bunga ng pakwan ay simbolo na ng tag-init. Unang malaganap ang uring mapula ang laman at maraming buto. Dalawa ang silbi nitó. Una, ang matamis at makatas na laman, at ikalawa, ang mga buto na kinu-kulti at paboritong kukutin sa pangalang butóng pakwán. Ang totoo, ang balát ay ipinakakain din sa baboy. Kinaka-tas din ang laman at isinisilbing inuming pampalamig.
May tinatawag ngayong seedless o pakwang walang buto. Bukod pa, may kulay malakas na dilaw ang laman at tina-tawag na pakwáng hapón. Sa bigat, ang pakwan ay may 6% asukal at 92% tubig. Mayaman ito sa bitamina C. Ang panloob na bahagi ng balát ay maaaring kainin at maraming silbing pangnutrisyon. Dahil wala itong lasa, ipiniprito ito sa China o ibinuburo. (VSA)