Pagudpúd
Ang Pagudpúd ay isang popular na pook bakasyunan at pinakahilagang bayan ng lalawigan ng Ilocos Norte. Ito ang pinakahilagang pamayanan sa isla ng Luzon. Pinaliligiran ito ng Dagat Kanlurang Filipinas sa hilaga at kanluran, bayan ng Bangui sa timog, at ang Bulubunduking Cordillera at bayan ng Adams sa lalawigan ng Cagayan sa silangan. May layò itong 72 km mula sa kabesera ng Ilocos Norte, ang Lungsod Laoag, at 560 km naman mula sa Maynila. Nahahati ito sa 16 barangay.
Tampok sa Pagudpud ang mga dalampasigan na may putîng buhangin at malinaw na dagat. May habàng mahigit-kumulang isang kilometro ang Saud Beach, samantalang mas tago naman ang aplaya ng tinaguriang Blue Lagoon. Matatanaw mula sa baybayin ang kambal na isla ng Dos Hermanos, at ang Yungib ng Bantay Abot na isang arko sa dagat.
Sa Pagudpud din matatagpuan ang Patapat Viaduct, isang tulay pandalampasigan na may habang 1.3 km at taas na 31 metro. Idinudugtong nitó ang Maharlika Highway mula Laoag patungong Rehiyon ng Lambak ng Cagayan. Isang dramatikong tanawin ang mala-serpiyenteng pagkapit ng abuhing tulay sa lungting kabundukan, sa bingit ng asul na dagat. Bukod sa tanawing dagat, mabibisita sa Pagudpud ang Talong Kabigan at ang kagubatang buma-balot dito. (PKJ)