pagóng

 

Ang pagóng (turtle sa wikang Ingles) ay isang uri ng reptilya sa order Testudines. Ang mga pagóng ay may tila sungay na tukâ ngunit walang ngipin at may talukab na mistulang makapal na plato sa likod at totoong nagiging kala-sag ng pagóng. Nagmimistulang báo ng niyog ang pagóng kapag nakatago ang buntot at ulo sa loob ng talukab. Ang pinakaunang nadiskubreng pagóng ay mula pa noong 215 milyong taón kayâ nagsisilbing pinakamatandang reptilya ang pagóng kaysa butiki, ahas, at buwaya.

Tulad ng ilang reptilya, nagagawang huminga ng pagóng sa ilalim ng tubig ngunit hindi nangingitlog sa tubig. Karaniwang sa buhanginan ito nangingitlog o kayâ sa tuyong lupa. Ang itlog ng malalaking pagóng ay may hugis bilog samantalang ang maliliit na pagóng ay pahabâ ang itlog. Sa ilang uri ng pagóng, ang temperatura ang nagtatakda kung lalaki o babae ang pagóng. Pinaniniwalaan na kapag mataas ang temperatura, babae ang pagóng kapag napisâ ang itlog at kung mababà naman ang temperatura ay lalaki ito.

Ang pinakamalaking pagóng sa kasalukuyan ay ang leatherback sea turtle na umaabot ang habà sa 200 sentimetro o 6.6 talampakan at maaaring bumigat hanggang sa 900 kilogramo.

Isang popular na kuwentong-bayan sa Filipinas ang tung-kol sa tunggalian ng pagóng at ng matsíng. Isang bersi-yon nitó ang isinulat ni Rizal sa Ingles at inilathala noong 1889. Sa naturang istorya, malimit na dinadayà ni mat-síng si pagóng. Dahil maliit, hindi naman makaganti si pagóng. Gayunman, sa dulo, nagwagi si pagóng. Doon nakabatay ang salawikaing “Matalino man ang matsing/ ay napaglalalangan din.” Marami pang ibang bersiyon ang kuwentong-bayan hinggil sa tunggalian ng pagóng at ng matsíng. (IPC)

 

Cite this article as: pagóng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pagong/