Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

páge

 

Isang isda ang páge na maiuugnay ang katangian sa pating. Matatagpuan ito sa mga karagatang Atlantico, Pacifico, at Indian. Matatagpuan ang kilaláng uri nitó na kabilang sa pamilya Dasyatidae, tulad ng Neotrygon kuhlii at Pastinachus sephen sa Filipinas. Karaniwang may isa o higit pang tinik ang buntot ng isang páge na ginagamit nitóng pananggalang sa mga kaaway.

Medyo pipî ang katawan ng isang páge, na may mga matá sa ibabaw at isang bibig na nása tagiliran. Ginagamit nito ang pang-amoy sa paghahanap ng pagkain, hábang humi-hinga sa pamamagitan ng isang maliit na butas sa likod ng matá, na siya ring ipinansasalok nito ng tubig na ibinubuga naman mula sa hasang. May mahabàng buntot itong kahawig ng isang latigo na nagdudulot ng matinding sakit sa sinumang tamaan dahil sa mga tinik nitong punô ng lason. Ang pinakamalaking page na naitalâ ay may habà at lapad na apat na metro.

Sa lahat ng mga páge, kakaiba ang Neotrygon kuhlii dahil sa mamulá-muláng kayumanggi nitóng balát at may mga matá sa likod na matitingkad na asul sa gitna at mga nakakalat na itim na batik. Maputî ang tiyan nitó samantalang ang nguso ay maikli at malapad. May kapansin-pansing bílog na kulay itim at putî sa may buntot na kasinlaki ng katawan nitó. (MA)

 

Cite this article as: páge. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/page/