pagatpat
Ang pagatpat (Sonneratia) ay isang uri ng halaman na kabilang sa pamilya Lythraceae. Ito ay matatagpuan sa Silangang Africa hanggang India, Timog Silangang Asia, Hilagang bahagi ng Australia, Borneo at mga isla sa Pacifico. May iba’t ibang uri ng pagatpat tulad ng Sonneratia alba, Sonneratia apetala, at Sonneratia ovate.
Ang kahoy ng pagatpat ay may taglay na asin dahil nabubuhay o tumutubò ito sa latian at mapuputik na lugar malapit sa dagat o mga ilog. Lumalaki ito hanggang 15 metro ang taas. Ang balát ng punò ay kulay krema, o abo hanggang khaki na may bahagyang pahilis na biyak. Ang batàng pagatpat ay nababalutan ng patong-patong na waks para hindi matuyo at maprotektahan laban sa iba-ibang klase ng organismo.
Ang mga ugat ay pagilid at tumutubòng paakyat na kung tawagin ay pneumatophores. Ang dahon ay bilugán, matigas, pasalungat at magkapareho ang likod at harap. Namumulaklak ito ng putî na parang kulumpon at namu-mukadkad sa loob ng isang gabi. Ang bunga nito ay may laking umaabot sa apat na sentimetro, kulay berde, matigas at may hugis bituin sa ibabâ. Ito rin ay naglalaman ng 100-150 na maliliit na putîng buto.
Kapaki-pakinabang ang pagatpat sapagkat ito ay nagsisil-bing tirahan at pagkain ng iba’t ibang klase ng hayop at in-sekto tulad ng alitap-tap, ibon at isda. Ito rin ay nagsisilbing proteksiyon sa mga ilog at baybáyin laban sa malalakas na hampas ng alon. Ang dahon ay maaaring kainin nang hilaw o luto. Sa Silangang Africa, ito ay ginagamit na pagkain ng mga kamelyo. Ang prutas ng pagatpat ay lasang keso kung kayâ’t kinawiwilihang kainin ng mga Aprikano, Malay at Javanese. Ang matigas nitong kahoy ay mainam gamitin sa paggawa ng bangka, poste, at suporta sa mga tulay at bahay. Mainam rin itong panggatong dahil ito ay nagbibigay ng sapat na init. Mag-ingat lámang dahil ang kahoy nito ay madalîng magdulot ng kalawang sa mga metal dahil sa taglay nitong mataas na mineral. (MA)