Pag-aalsáng Hassán

Ang Pag-aalsáng Hassán ay isang rebelyong Moro na pinangunahan ni Panglima Imam Hassan at naganap sa Jolo noong Digmaang Filipino-Americano. Si Hassan ang kumander ng distrito ng Luuk, Sulu sa ilalim ng Sultanato ng Sulu. Siya ang unang lider na Tausug na sumalungat sa utos ng sultan na kilalanin ang kapangyarihan ng mga Americano para sa kapakanan ng kapayapaan. Para sa kaniya, panganib sa Islam at lipunang Moro ang pakikipagkasundo ng mga Americano.

Noong Nobyembre 1903, kasáma ang halos 400 mandirigma, sinalakay ng grupo ni Hassan ang kampo ng mga Americano sa Jolo. Nakipaglaban silá nang ilang araw gamit lámang ang mga kris at lumang riple. Matapos ang isang linggong labanan, nahúli si Hassan at napasuko ang kaniyang mga tagasunod. Nang makatakas, ipinagpatuloy ng Panglima ang laban noong Pebrero1904. Kasáma sina Datu Laksamana at Datu Usap, napaslang nilá si Sultan Kiram na tagasuporta ng mga Americano at ang grupo nitó sa Labanan sa Pampang. Napatay sa isang sagupaan si Hassan at ang dalawa niyang kasamahan sa Bud Bagsak. (KLL)

Cite this article as: Pag-aalsang Hassan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pag-aalsang-hassan/