Pag-aalsá sa Cavite

Ang Pag-aalsá sa Cavite (o Cavite Mutiny sa Ingles) ay isang pag-aalsa noong 1872 ng umaabot sa 200 Filipinong sundalo at obrero sa arsenal sa Cavite. Madaliang nasugpo ng pamahalaang kolonyal ang pag-aaklas ngunit naging makabuluhan ito sa kasaysayan dahil ginamit itong dahilan upang supilin ang mga Filipinong makabayan at humihingi ng reporma sa pamahalaan. Ang pag-aalsa ang ginamit na batayan upang isakdal at bitayin ang tatlong paring Filipino na sina José Burgos, Jacinto Zamora, at Mariano Gómez—o mas kilala bilang Gomburza—at ang kanilang pagkamartir ang higit na nagpaalab sa nasyonalismo ng mga Filipino at magdudulot, sa huli, ng Himagsikang1896.

Pinaniniwalaang nag-ugat ang pag-aalsa sa pagpapataw ni Gobernador- Heneral Rafael de Izquierdo ng personal na buwis sa mga kawal at manggagawa, samantalang dati na siláng hindi saklaw nitó. Isinaad ng buwis ang pagbabayad ng salapi at pagbibigay ng polo y servicio, o sapilitang trabaho. Nang natanggap ng mga manggagawa ang kanilang sahod, binawasan na ito ng buwis. Sa pamumunò ni Fernando La Madrid, isang mestisong sarhento, nag-alsa silá noong 20 Enero 1872. Nakubkob nilá ang Fuerza San Felipe at pinaslang ang 11 Español na opisyal. Inakala ng mga nag-aklas na sasamahan silá ng mga sundalo sa Maynila. Hudyat dapat ng simula ng labanan ang mga paputok mula sa Intramuros noong gabing iyon. Sa kasamaang palad, ang hudyat na kanilang nakita at sinunod ay isa lamang pagpapaputok para sa pagdiriwang ng pista ng Birhen ng Loreto, ang patron ng Sampaloc. Sa pangambang simula ito ng mas malawakang rebolusyon, isang pulutong ng mga sundalo sa pamumunò ni Heneral Felipe Ginoves ang lumusob sa moog ng San Felipe. Sumuko ang mga nag-aklas, kabilang si La Madrid, at pinaputukan sila sa utos ni Ginoves.

Pagkatapos ng pag-aalsa, dinesarmahan ang lahat ng sundalo sa arsenal at ipinatapon sa Mindanao. Dinakip at binitay o ipinatápon ang mga pinaghinalaang sumuporta sa pag-aaklas. Maraming mariwasa at ilustrado ang nadawit sa pag-aalsa. Ginamit itong dahilan ng pamahalaang kolonyal at mga fraileng Español upang idawit ang tatlong paring tinagurian ngayon bilang Gomburza. Pagkatapos ng maigsi at kahina-hinalang paglilitis, binitay ang tatlong pari sa harap ng publiko sa pamamagitan ng garote. Sa halip ikatákot, tinandaan ito ng mga patriyota na pruweba ng kalupitan ng mga mananakop. (PKJ)

Cite this article as: Pag-aalsa sa Cavite. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pag-aalsa-sa-cavite/