pábo

 

Ang pábo (Ingles: turkey , Español: pavo) ay isang uri ng ibong inaalagaan para sa produksiyon ng pagkain. Malaki ang pabo ( Meleagris gallopavo) kung ikokompara sa ibang uri ng ibon. Sinasabing ang pabo ay nabuhay 10,000,000 taón na ang nakararaan. Ito ay unang inalagaan sa bansang Mexico at kalaunan ay dinála sa Europa. Karaniwang nabubuhay ang pabo sa malalamig na bansa sa mundo. Ang karaniwang habà ng buhay ng pabo ay umaabot hanggang sampung taón. Maram-ing lahi ang pabo at iba’t iba rin ang kulay ng balahibo ng mga ito. Mayroon kulay purong putî, may putî na may kombinasyong itim, may kulay abo, at may pu-rong itim. Lahat ng pabo na inaalagaan ngayon na pangkomersiyo ay kulay putî at may malapad at malaking dibdib. Ito ang unang lahi ng pabo na ginamit sa industriya ng pabo sa Estados Unidos noong mga hulíng yugto ng taóng 1950.

Maraming kakatwang katangian ang pábo. Wala itong panlabas na tainga. May maliliit na butas na matatagpuan sa may likod ng matá na nagsisilbing pandinig, at ang pabo ay may malakas na pandinig. Matalas ang paningin nitó at nakakapansin ng mga kulay sa paligid. Subalit sa gabi, ang matá ay di gaanong nakakakita. May mahinàng pang-amoy ito subalit may magandang panlasa. Ang pabo ay maiituturing na isang ibong palakaibigan. Nagugustuhan nitó ang pagkakaroon ng ibang hayop gayundin ng tao sa paligid.

Ang industriya ng pabo ay umunlad sapagkat ang pagpaparami nito ay hindi gaanong nangangailangan ng malaking halaga, Ang produktong nagmumula sa pabo tulad ng karne at itlog ay nagbibigay ng mas malaking halaga kompara sa gagastahin sa pagpapalaki nitó. Ang mga teknolohiyang natuklasan sa pagpapalahi, pagpapakain, at pangangalaga rito ay nagbunga ng lahi ng pabo na napakaepisyente sa pagkombert ng mga elemento sa pagkain nitó tungo sa protinang kailangan ng tao. Humigit-kumulang na 2.8 libra ng pagkain ang kailangan ng isang pabo para makapagdagdag ng isang librang timbang sa katawan nitó. (SSC).

 

 

Cite this article as: pábo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pabo/