Mariano Proceso Byron Pabalan
(2 Hulyo 1862–1 Enero 1904)
Itinuturing na “Ama ng Sarsuwelang Kapampangan” si Mariano Proceso Byron Pabalan (Mar·yá·no Pro·sé·so Báy·ron Pa·ba·lán) at higit sa lahat, dahil sa Ing Managpe (“Ang Tagatagpi,” o ang áso sa dula na si Managpe), ang itinuturing na unang sarsuwela sa Kapampangan at sa anumang wikang katutubo sa Filipinas. Itinanghal ito sa Teatro Sabina sa Bacolor noong 13 Setyembre 1900, may musika ni Amado Guetierrez David, at isinaaklat ni Cornelio Pabalan Byron noong Mayo 1909.
Sa Ing Managpe, iniisip ni Juana na hiwalayan ang asawang si Diego dahil sa suspetsang may ibang babae ito. Pruweba niya ang isang panyong natagpuan sa ilalim ng sopa. Dumating si Sianang, ang kasambahay ng mag-asawa at sinabing kaniya ito at nangakong aayusin (o tatagpian) ang gulo ng mag-asawa. Nang umalis na si Juana, dumating si Pablo, isa ring kasambahay at lihim na kasintahan ni Sianang. Hábang nagpapalitan silá ng matatamis na salitâ ay dumating bigla si Diego at nagtago sa ilalim ng sopa si Pablo. Nang itanong ni Diego kung ano ang sanhi ng kaluskos sa bahay, sinabi ni Sianang na ang ásong si Managpe ang sanhi. Ngunit, biglang nabahing si Pablo at nabisto ang magkasintahan. Hábang pinagagalitan ni Diego ang mga kasambahay, umuwi si Juana at siyá namang napagalitan ni Don Diego dahil sa kawalan ng kaayusan sa bahay sanhi ng pagseselos nitó. Natapos ang dula na humihingi ang mga tauhan ng paumanhin sa magulong kinahinatnan ng kanilang búhay.
Isinilang sa Bacolor, Pampanga si Mariano Pabalan noong2 Hulyo 1862, anak nina Potenciano Pabalan at Dorotea Byron, at namatay noong 1 Enero 1904. Nag-aral siyá sa Unibersidad ng Santo Tomas at nang bumalik sa kaniyang bayan ay nagtayô ng paaralan at nagturo ng Español, Latin at Ingles. Naging bahagi rin siya ng mga unang diyaryong Kapampangan at naging Katipunero. Si Ambrosia Linagco ang kaniyang naging asawa na taga-Bacolor din. Nakasentro sa problemang pampamilya at kaugalian ng mga Kapampangan ang karamihan sa mga akda ni Pabalan maliban sa Ing Bakulud Kanitang Ya Ing Junio 4, 1898(Ang mga Naganap sa Bacolor noong Hunyo 4, 1898). Sa mga sarsuwelang Alang Utang a e Sana Mibayaran (Walang Utang na Hindi Nabayaran) at Ding Amazonas (Ang mga Amasona) ay siyá mismo ang naglapat ng musika. (SJ)