Pedro Suarez Osorio

 

 

 

Si Pedro Suarez Osorio (Péd·ro Su·wá·rez O·sór·yo) ay nagmula umano sa Ermita, Maynila, at isa sa mga unang makatang Filipino na nagsulat at naglathala ng tula. Ang kaniyang tulang “Salamat Nang Ualang Hoyang” ay nalathala sa aklat na Explicacion de la doctrina christiana en lengua tagala ni Padre Alonzo de Santa Ana na nalathala noong 1627. Gumagamit ito ng anyo ng dalít, o may sukat na wawaluhin, at ng panawagan bilang estratehiyang panretorika. Ngunit bilang isang tulang papuri sa libro ng isang misyonero, taglay ng pagtula ni Ossorio ang kalatas at paraan ng pahayag na inumpisahan ni Fernando Bagongbanta. Tigib ito ng lantarang paghanga sa ginawa ni Alonzo de Santa Ana at ng adhikang ipabása ito sa mga Tagalog upang maging mabuting Kristiyano. Wika nga niya sa unang saknong:

 

Salamat nang ualang hoyang

Sa iyo Dios kong maalam

Nitong iyong auang mahal

Sa aming catagalogan.

 

Isang malaking biyaya daw ang libro ni Alonzo de Santa Ana dahil may aklat na magdudulot ng wastong edukasyon sa mga Tagalog:

 

Nang caming manga binyagan

May basahin gabi’t, araw

Na aming pag aaliuan

Dito sa bayan nang lumbay.

 

Ikinompara niya ang libro ng padre sa isang sandata laban sa kasamaan, sa isang daong laban sa bagyo’t kapahamakan, sa isang paraluman na nagbibigay ng wastong landas, sa isang dulangan ng banal na pagkain. Sa ganitong paraan, maaaring tingnan ngayon ang tula ni Osorio na tagapagbandila ng “bihag na kamalayan” at tagapagsimula ng tulang hitik sa matatamis na talinghaga ng paghanga. (ECS)

Cite this article as: Osorio, Pedro Suarez. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/osorio-pedro-suarez/