Maria Y. Orosa

(29 Nobyembre 1893–13 Pebrero 1945)

 

President Quezon with Maria Orosa of the bureau of plant industry. Photo from Presidential Museum and Library PH (Flickr)

Imbentor at tagapanguna sa larangan ng teknolohiya sa pagkain, isang kemiko at parmasiyutiko si Maria Y. Orosa (Mar·yá I O·ró·sa). Isa sa mga imbensiyon niya ang pinulbos na kalamansi, ang “calamansi nip,” at pinagbuhatan ng komersiyal na calamansi juice ngayon. Imbento niya ang “soyalac,” ang pinulbos na soya at nagligtas sa maraming bilanggong kulang sa pagkain noong panahon ng Japanese. Inimbento din niya ang banana ketsap, banana flour, cassava flour, mga alak mula sa katutubong prutas, at jelly mula sa bayabas, santol, at ibang prutas.

Si Maria ay isinilang noong 29 Nobyembre 1893 sa Taal, Batangas kina Simplicio Orosa y Agoncillo at Juliana Ylagan. Sa Batangas siyá nagtapos ng elementarya at sekundarya at nag-aral ng parmasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong 1916, ipinadalá siyáng iskolar sa Estados Unidos at nagtapos ng batsilyer sa agham ng kemistring parmasyutiko sa University of Seattle noong 1917, BS sa kemistri ng pagkain noong 1918, BS sa parmasya noong 1920, at marterado sa parmasya noong 1921.

Pag-uwi, nagturo muna siyá bago pumasok sa Bureau of Science noong 1923. Naglibot siyá sa buong bansa para itaguyod ang wastong nutrisyon at wastong pagiimbak ng pagkain. Dahil sa kaniyang sipag at liderato, ipinadalá siyá sa ibang bansa para mag-aral ng pagproseso at pagdedelata ng pagkain. Pagbalik, hinirang siyáng punò ng dibisyon sa home economics ng Bureau of Science. Itinatag niya ang Homemakers Association of the Philippines. Nang sumiklab ang digmaan, sumali siyá sa pangkat gerilya, nagkaranggong kapitan, at naging trabaho ang pagpapakain sa mga sugatan at maysakit.

Sa panahon ng liberasyon, tinamaan siyá ng ligaw na bala hábang nagtatrabaho sa gusali ng Bureau of Plant Indsutry sa Malate. Dinalá siyá sa Malate Remedios Hospital para magamot. Ngunit tinamaan ng bomba ang ospital at isang shrapnel ang tumimo sa puso ni Maria na ikinamatay niya noong 13 Pebrero 1945. Bílang parangal, ipinangalan sa kaniya ang isang kalye sa Maynila gayundin ang gusali ng Bureau of Plant Industry. (GVS)

Cite this article as: Orosa, Maria Y.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/orosa-maria-y/