Leonor Luna Orosa-Goquinco

(24 Hulyo 1917–15 Hulyo 2005)

National Artist for Dance

 

Isang baylerina, koreograpo, at manunulat si Leonor Luna Orosa-Goquinco (Le·o·nór Lú·na O·ró·sa-Go·kíng·ko). Kinilala sa pagdudulot niya ng pagbabago sa katutubong sayaw—ang pagsasáma-sáma ng samotsaring anyo at elemento ng sayaw sa iisang malikhaing pagtatanghal. Pinaikli, pinabilis, at pinag-ibayo niya ang mga katutubong sayaw at sa proseso, ang sayaw na datirati ay itinatanghal lámang sa malalaking bukás na lugar ay maaari nang maitanghal sa entablado ng teatro. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw noong 1976.

Itinatag ni Orosa-Goquingco ang Filipinesca Dance Company noong 1958. Ang obrang Filipinescas: Philippine Life, Legend, and Lore in Dance (1960) ay kalipunan ng mga sayaw na pumapaksa sa mga kaugaliang Filipino noong panahong bago dumating ang mga Español hanggang sa kontemparaneo. Hinangaan ito di lámang ng mga manonood at kritiko sa Filipinas kundi maging ng daigdig. Isang epikong sayaw ito, pagsasáma ang musika, kasaysayan at kultura. Ang ilan pa sa kaniyang mahahalagang obra ay ang “Vinta!” (1940), “The Magic Garden” (1958), “The Clowns” (1957), “Balet Variations” (1982), at “Aubade” (1986).

Nagsulat din siyá sa sagisag-panulat na Cristina Luna. Sinulat niya ang kasaysayan ng sayaw sa Filipinas, A Great Philippine Heritage: Dances of the Emerald Isles (Ben-Lor Publishers, 1980), at ang isang dulang may isang yugto, “Her Son, Jose Rizal: a Theater Piece” (New Day Publishing, 1991). Kabílang sa mga parangal niya ang Patnubay ng Sining at Kalinangan Award (1961); Rizal Centennial Award (1962); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award at Republic Cultural Heritage Award (1964); Presidential Award of Merit (1970).

Isinilang siyá noong 24 Hulyo 1917 sa Jolo, Sulu kina Sixto Orosa at Severina Luna, kapuwa doktor. Nakatatandang kapatid siyá ng kritikong si Rosalinda Orosa. Ikinasal siyá kay Benjamin Goquingco na isang inhenyero at biniyayaan ng tatlong anak, dalawa ay mga mananayaw. Nagtapos siyá na summa cum laude sa Batsilyer ng Siyensiya sa Edukasyon sa St. Scholastica’s College at kumuha ng karagdagang pag-aaral sa teatro, drama, at musika sa Columbia University at Teachers College sa New York, USA. Namatay siyá noong 15 July 2005 sa cardiac arrest. (RVR)

Cite this article as: Orosa-Goquinco, Leonor Luna. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/orosa-goquinco-leonor-luna/