Pedro T. Orata
(27 Pebrero 1899- 13 Hulyo 1989)
Si Pédro Tamésis Oráta ay isang guro na kilala bilang “Ama ng mga Hay-iskul sa Barangay” dahil sa kaniyang pagsusúlong ng pagpapatayô ng mataas na paaralan sa bawat baryo ng Filipinas. Iginawad sa kaniya ang Premyong Ramon Magsaysay noong 1971.
Pagkatapos mag-aral ng kolehiyo at doktorado sa Estados Unidos, bumalik siyá ng Filipinas at naging kawani ng Kawanihan ng Pampublikong Paaralan (Bureau of Public Schools). Nagturo siyá sa Bayambang Normal College at Philippine Normal College, at dito’y naging dekano siyá ng paaralang gradwado. Bumalik siyá sa America at nagturo sa Ohio State University. Pinasimulan niya ang isang eksperimental na paaralang pangkomunidad sa isang Indian reservation para sa mga Sioux sa South Dakota. Sumapi siyá sa UNESCO bilang espesyalista sa paghahasa ng mga guro at pagpapaunlad ng kurikulum.
Pagkatapos ng digmaan, inatasan siyáng buksan muli ang mga pampublikong paaralan ng Urdaneta. Itinatag niya ang Pangasinan Provincial East High School (ngayon ay Urdaneta City National HighSchool), ang unang pampublikong hay-iskul sa Filipinas sa labas ng kabisera ng lalawigan. Bago nitó, makukuha lámang ang edukasyong pang-hayskul sa mga kabisera.
Pagkaretiro mula sa UNESCO noong 1965, sinimulan ni Orata ang mithing “barrio high school.” Nagsimula siyá sa apat na paaaralan, at pagkatapos ilantad ng mga pagsusulit na mas mahuhusay ang mga estudyante sa barrio high school kaysa regular na hay-iskul, 16 pang paaralan ang itinatag sa Pangasinan, Camarines Norte, at Albay. Ito ang naging simula ng pambansang programa para sa barrio high school, at si Orata ang naging special consultant nitó. Nakatanggap ito ng tulong mula sa mga pambansa at internasyonal na ahensiya, at ipinasá ang Barrio High School Act noong 1969. Kumalat ang mga barrio high school sa 43 lalawigan at anim na lungsod.
Isinilang siyá noong 27 Pebrero 1899 sa Urdaneta, Pangasinan kina Candido and Numeriana Orata. Tumulak siyá pa-Estados Unidos sa muràng edad at doon ay nagtrabaho bilang tagaayos ng riles habang nag-aaral. Nakamit niya ang mga digring batsilyer at masterado sa edukasyon mula sa University of Illinois, at doktorado mula sa University of Ohio. Asawa niya si Vinda Atikins, isang Americana. Pumanaw siyá noong 13 Hulyo 1989. (PKJ)