Luz Olivéros-Belárdo

(3 Nobyembre 1906–12 Disyembre 1999)

 

Si Luz Olivéros-Belárdo ang natatanging alagad ng pythochemistry sa Filipinas. Ang kaniyang mga pag-aaral hinggil sa kemikal na komposisyon ng mga katutubong halaman sa bansa ay nagbigay daan sa paglikha ng mga medisinang herbal, natural na pampalasa, pabango, pestisidyo, at panggatong na langis. Siyá ang tumuklas ng 40 bagong mahahalagang langis mula sa katas ng mga halaman. Nagsagawa rin siyá ng masinsing pag-aaral kung paano magagamit ang enzymes ng papaya bilang botanikal na gamot. Ipinakita niya na maaaring gumawa ng natural na sabon gamit ang langis ng niyog. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1987.

Napukaw ang interes ni Belardo sa mga halamang gamut dahil sa obserbasyon niya sa ginagawang panggagamot ng mga albularyo. Napansin niya na halaman ang pangunahing ginagamit ng mga ito. Una niyang pinag-aralan ang mga kemikal at parmasiyutikal na katangian ng halamang tanglad. Nadiskubre niya na nagtataglay ito ng mahalagang kemikal na may kakayahang labanan ang pagtaas ng presyon ng dugo. Mula noon, sunod-sunod na ang ginawa niyang pananaliksik sa iba’t ibang halamang gamot sa Filipinas.

Siyá ang unang siyentista sa Timog Silangang Asia na nagsagawa ng kemikal na pag-aaral sa halamang sitsirika. Natuklasan niya na mayaman ito sa alkaloid, fatty acid, at mahalagang langis na maaaring gamiting panglunas sa maraming uri ng sakit.

Isinilang si Luz Olivares Belardo noong 3 Nobyembre 1906 sa Navotas, Rizal at anak nina Aurelio Oliveros at Elisa Belarmino. Natapos niya ang batsilyer sa Siyensiya sa Parmasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1929 at master sa Parmasiyutikong Kemistri noong 1933. Nakuha niya ang doktorado sa Parmasiyutikong Kemistri sa University of Connecticut noong 1954. Bumalik kaagad siyá sa Filipinas upang ipagpatuloy ang pagtuturo sa Philippine Women’s University at magsagawa ng mga pananaliksik.

Noong 1995 ay natuklasan niya na ang katas ng langis mula sa dahon ng halamang papua ay mabisàng panlaban sa peste. Nagamit ito ng mga lokal na kompanya ng pestisidyo upang lumikha ng natural na pamatay peste. Yumao siyá noong 12 Disyembre 1999. (SMP)

Cite this article as: Oliveros-Belardo, Luz. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/oliveros-belardo-luz/