Simeon Ola

(2 Setyembre 1865-14 Pebrero 1952)

 

Photo: Gen. Simeon Ola Monument, National Historical Commission of the Philippines

Isinilang siyá noong 2 Setyembre 1865 sa Guinobatan, Albay kina Vicente Ola at Apolonia Arboleda. Pumasok siyá sa seminaryo upang mag-aral ng pilosopiya, ngunit nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, tumigil siyá ng pag-aaral at lumahok sa Katipunan. Naging pinunò siyá ng mga rebelde sa kaniyang bayan

Dahil sa kaniyang matagumpay na pananambang sa mga kaaway, hinirang siyáng kapitan ni Heneral Vito Belarmino, ang pangkalahatang pinunò sa Bicol. Nang dumating ang mga Americano, ipinagpatuloy niya ang pakikipaglaban sa kabila ng pagsuko ni Heneral Belarmino noong 1901. Namundok siyá, tinipon ang natitirang mga kawal na Filipino na hindi sumuko, at naging pinakamataas na pinunò sa Bicol.

Nagkasakit siyá sa bundok at nahimok ng mga kamaganak at kaibigang sumuko noong 25 Setyembre 1903 kay Koronel Harry H. Bandholtz. Dalawang buwan pagkaraan, nilitis siyá at hinatulang mabilanggo nang 30 taon. Nakalaya lámang siyá nang bigyan ng amnestiya ni Gobernador Heneral William Howard Taft ang lahat ng bilanggong politikal. Naging presidente (alkalde ngayon) siyá ng Guinobatan mula 1910 hanggang 1917 at nagsagawa ng maraming pagbabago sa kaniyang bayang sinilangan.

Namatay siyá noong 14 Pebrero 1952 at inilibing sa Guinobatan. Isang monument ang inialay kay Ola sa Lungsod Legazpi, at ipinangalan din sa kaniya ang tanggapang rehiyonal ng kapulisan. (PKJ)

 

Cite this article as: Ola, Simeon. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ola-simeon/

Related Articles