Hernando R Ocampo

(28 Abril 1911–28 Disyembre 1978)

National Artist for Visual Art

 

Isa si Hernando R. Ocampo (Er·nán·do Ar O·kám·po) sa mga radikal na Modernistang pintor ng Filipinas. Noong bago magkadigma, miyembro siyá ng 13 Moderns na itinatag ni Victorio Edades, at naging sikat na katrio ng reo-realistang sina Vicente S. Manansala at Cesar Legazpi na naging mga Pambansang Alagad ng Sining lahat. Ipinahayag din siyáng Pambansang Alagad ng Sining (postumo) noong 1991.

Nagsimula siyá sa pagtatanghal ng mapapait na larawan ng lipunang Filipino sa matitingkad na kulay. Pagkuwan, nakadevelop siyá ng isang uri ng abstraksiyon na mistulang liwanag, bituin, at ulan sa kumikilos at maningning na kulay. May nagsabing ang kaniyang sining ay “mga abstraktong komposisyon ng mga anyong biyolohiko na tila kumikislot, kumikinig, lumiliyab, at nagsasanga-sanga.”

Ipinanganak si Ocampo noong 28 Abril 1911 sa Sta. Cruz, Maynila kina Emilio Ocampo at Delfina Ruiz, na kapuwa ilustrado. Luimipat silá sa Maypajo, Kalookan. Nag-aral siyá ng abogasiya, sa amuki ng ama, ngunit nahilig sa malikhaing pagsulat. Kasáma siyá sa Veronicans ng mga manunulat sa Ingles. Ngunit nagsulat din siyá sa Filipino at malimit malimbag sa antolohiya ang kaniyang kuwentong “Bakya.”

Gayunman, higit siyáng pinarangalan bilang pintor. Noong 1948, kinatawan niya ang Filipinas sa Sports Art Exhibition sa Victoria at Albert Museum sa London. Noong 1950, inalok siyáng maging iskolar sa sining Pranses sa Paris at noong sumunod na taon ng grant ng Smith-Mundt sa Estados Unidos, ngunit kapuwa niya tinanggihan ang mga ito.

Kabilang sa mahalagang pintura niya ang Ina ng Balon, Calvary, Slum Dwellers, Nude with Candle and Flower, Man and Carabao, Fiesta, Easter Sunday, at pinakapopular ang Genesis na naging huwaran ng disenyo sa telon ng Cultural Center of the Philippines Main Theater. Naitanghal ang kaniyang pintura sa Washington, New York, London, at Tokyo. Nagawaran naman siyá ng Republic Cultural Award noong 1965, Patnubay ng Sining at Kalinangan noong 1969, Diwa ng Lahi noong 1976. Namatay siyá sa sakit sa puso noong 28 Disyembre 1978. (EGN)

Cite this article as: Ocampo, Hernando R.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/ocampo-hernando-r/