Ramon A. Obusan

(16 Hunyo 1938-21 Disyembre 2006)

National Artist for Dance

 

Si Ramón A. Obúsan ay itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw noong 2006. Isa siyáng koreograpo, mananayaw, artistikong direktor, at iskolar ng sayaw. Malawakan at malalimang sinaliksik at itinala ni Obusan ang mga katutubong kultura ng mga etnikong pangkat sa Filipinas. Naglakbay siyá sa buong Filipinas upang mabatid, unawain at pag-aralan hindi lámang ang kanilang mga ritwal at kaugalian, awit, musika at sayaw, kundi maging ang buhay ng mga táong nagsasagawa ng mga ito. Sinikap niyang maging higit na makatotohanan ang mga pagtatanghal ng katutubong sayaw sa pamamagitan ng paggamit ng mga tunay na kasuotan, awtentikong musika at aktuwal na mga galaw, sa entablado o saanmang espasyo nagtatanghal. Gumawa rin siyá ng koreograpiya at nagdirihe ng mahigit sa 100 malikhaing produksiyon sa telebisyon, pista ng sining, pelikula, natatanging pagtatanghal, parada at paligsahan.

Noong 1971, itinatag niya ang Ramon Obusan Folkloric Group (ROFG) na nakalahok at nagwagi sa maraming internasyonal na pagtatanghal at paligsahan. Sa kaniyang mga likha, pinakanatatangi ang mga ganap na pagtatanghal gaya ng Káyaw (1968 at 1974), isang makatotohanang paglalarawan sa mga ritwal ng mga tribu sa Kordilyera sa pamamagitan ng sayaw at musika; Vamos a Belen (1998-2004), antolohiya ng mga tumutugtog, umaawit at sumasayaw na mga pastol patungo sa sanggol na si Jesus; at Noon Po sa Amin, isang tableaux ng kasaysayan ng Filipinas gamit ang awit, sayaw at drama.

Isinilang siyá noong 16 Hunyo 1938 sa Legaspi, Albay kina Praxedes Obusan at Josefina Arevalo. Nagtapos siyá ng kursong marine biology at cultural anthropology sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang kaniyang bahay sa Lungsod Pasay ay nagsilbi ring isang museong naglalaman ng malawak na koleksiyon ng mga artifak, katutubong instrumenting pangmusika at iba pang sagisag pangkultura. Nagsisilbi rin itong lagakan ng mga kagamitan at kasuotan sa produksiyon, at sanayan at tirahan ng mga kasapi ng ROFG at maging ng mga kasapi ng iba pang pangkat ng sayaw. Namatay siyá noong 21 Disyembre 2006. (RVR)

Cite this article as: Obusan, Ramon A.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/obusan-ramon-a/