nitò

Ang nitò ay isang uri ng pakô mula sa pamilyang Schizaeceae o Lygodiaceae at genus na Lygodium. Ang Lygodium ay katutubo sa mga rehiyong tropikal ng mundo. Isa ito sa mga primitibong genus ng pakô na mula pa sa Mesozoic Era o halos 225 milyon na ang tanda. Ang rachis ng frond nitó ay manipis, naibabaluktot, at mahabà. Ang bawat frond ay lumilikha ng isang tila baging at maaaring mag-karoon ng habà na 3–12 m. Matatagpuan ito sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas partikular sa mga bukás na lugar at kagubatang mayroong mababà at katamtamang taas.

Tinatayang mayroong pitóng espesye ng nitò na matatagpuan sa Filipinas. Kabilang sa mga ito ang nitòng-hapón (Lygodium japonicum), uri ng pakô na may dahong tila tigib sa kaliskis; nitòng-putî (Lygodium flexuosum/ Lygodium circinnatum), uri ng pakô na may maikli at gumagapang na mga risoma at halos dikit-dikit ang mga dahon; at nito-nitoan (Lygodium scandens), uri ng pakò na itinuturing na halamang medis-inal at iginagamot sa sakit sa balát. Karaniwang ginagamit sa medisina para sa kagat ng makamandag na reptil at insekto, sugat, ubo, lagnat, at iba pa ang nitò. Ngunit higit na pinakikinabangan ito paggawa ng mga basket, bag, sombrero, at iba pa. (KLL)

 

 

Cite this article as: nitò. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/nito/