nílad

Ang nílad (Scyphiphora hydrophyllacea) ay isang halamang palumpong na 3 metro (10 talampakan) ang taas na ma-limit matagpuan sa mga aplayang mabuhangin o sa mga lugar na maraming bakawan. Kilalá rin ito sa tawag na nila sa Malay o chengam sa Singapore. Ang mga dahon ay malalapad na may hugis patak at mayroong magkasalun-gat na ayos ng mga ugat.

Balót ng animo barnis ang mga búko at mga muràng dahon. Hugis túbo o pahabâ ang mga bulaklak ng nilad na may apat na umbok na kulay rosas. Nakakumpol ang mga ito nang makapal o siksikan. Ang mga bunga ay hugis patambilog (elliptic) at may malalim na guhit o tagaytay (ridge) na magiging kayumanggi ang kulay at gu-magaan ang timbang kapag hinog na. Ang matingkad na kulay kayumangging punò ng nilad ay maaaring gami-tin sa pagbubuo ng maliliit na gamit na yari sa kahoy. Gamot sa sakít ng tiyan ang katas na gáling sa dahon nito. Ang mga bulaklak ay maaaring gamitin bilang panlinis at pampaputî ng mga damit.

Hango sa salitâng nilad ang Maynila, ang kapital na lungsod ng Filipinas. Ayon sa kasaysayan, ang pampang ng Look Maynila ay nababalot ng napakaraming nilad noong unang panahon. Ang lugar ay tinawag na “Maynila” na ang ibig sabihin ay “mayroong nilad.” Ang pangalan ng halaman naman ay gáling sa salitâng Sanskrit na ang ibig sabihin ay “punò ng indigo.” (SSC)

 

 

Cite this article as: nílad. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/nilad/