Jose Nepomuceno
(15 Mayo 1893–1 Disyembre 1959)
Madalas bansagan si Jose Nepomuceno (Ho·sé Ne·po·mu·sé·no) bilang “Ama ng Pelikulang Filipino” sapagkat siyá ang kauna-unahang prodyuser ng mga pelikulang Tagalog. Siyá ang prodyuser, direktor, sinematograper, at manunulat ng kauna-unahang pelikulang Filipino na may ganap na habà, ang Dalagang Bukid, na kauna-unahan ding silent film sa bansa at ipinalabas noong 1919. Batay ang pelikula sa sarsuwelang may gayunding pamagat nina Hermogenes Ilagan at Leon Ignacio.
Dalawa pa sa mahahalagang pelikulang ginawa ni Nepomuceno ang Ang Tatlong Hambog (1926), na nagpalabas ang kaunaunahang halikan sa pinilakang tabing; at Ang Punyal na Ginto (1933), ang unang Tagalog na talkie o pelikulang nilapatan o may kasámang tunog. Bukod sa paggawa ng pelikula, si Nepomuceno rin ang nakatuklas at nagsanay sa maraming artista, direktor, at teknisyan sa nagsisimulang industriya ng pelikulang Filipino.
Isinilang siyá noong 15 Mayo 1893 sa Quiapo, Maynila, nag-aral sa San Beda College at nagtapos ng Painting at Electrical Engineer. Naging retratista muna siyá sa sariling aral at sikap at binuksan niya ang isa sa mga tanyag na estudyo noon, ang Electro-Photo Studio Parhelio. Siyá rin ang unang retratistang Filipino ng kumuha ng retrato sa gabi. Sinimulan ni Nepomuceno ang kaniyang karera sa pelikula noong 1917. Noong1940, siyá ang kauna-unahang prodyuser ng mga komersiyal para sa sine. Pagkatapos ng ilang dekada ng pangunguna sa industriya, naglakbay siya pa-Estados Unidos upang pag-aralan ang color film, ngunit inatake sa puso at isinakay sa barkong ospital. Pumanaw siyá noong 1 Disyembre 1959 bago naipamahagi sa Filipinas ang mga napulot na kaalaman. (PKJ)