Fr. Bienvenido F. Nebres

(15 Marso 1940—)

Si Fr. Bienvenido F.Nebres(Byén·ve·nído Ef Néb·res) ay kinikilálang mahusay na alagad ng matematika, edukador, at administrador. Makabuluhan ang kaniyang naging ambag sa pagpapaunlad ng pag-aaral ng matematika at inhenyeriya sa Filipinas. Dahil sa kaniyang walang sawàng pagsusulong ng repormang pang-edukasyon at pagsisikap na maiangat ang kalidad ng pag-aaral ng matematika at agham, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 27 Hulyo 2011.

Isang tanyag na matematisyan si Nebres at ang tanging Filipinong dalubhasa sa Lohika ng Matematika. Ang kaniyang mga pananaliksik ay tumatalakay sa kahalagahan ng pagpapaunlad ng pag-aaral sa matematika. Nilinang niya ang mga teorya ng infinitary logics at inilapat ito sa praktikal na aplikasyon ng pagsusuri at alhebra. Pinamunuan ni Nebres ang pagtatatag ng Mathematical Society of the Philippines, Southeast Asian Mathematical Society, at ang Engineering and Science Education Project ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya. Tumulong siyá sa pagtatayô ng Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development at itinulak ang pag-oorganisa ng PhD Consortium sa iba’t ibang pamantasan.

Bilang isang edukador, pinamunuan niya ang pagtatayô ng Ateneo Center for Educational Development, Pathways to Higher Education, at Synergeia Foundation. Ang mga institusyong ito ay kasalukuyang nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at sa Kagawaran ng Edukasyon upang paunlarin ang kalidad ng pag-aaral sa pampublikong paaralan sa mga lalawigan.

Isinilang si Nebres sa Lungsod Baguio noong 15 Marso1940 at lumaki sa Bacnotan, La Union. Nag-aral siyá ng pagpapari sa San Jose Seminary ng Vigan at sa Sacred Heart Novitiate sa Novaliches. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte at Master sa Pilosopiya sa Berchmans College, Jesuit Scholasticate. Nagpatuloy siyá ng pag-aaral sa Stanford University mula 1965 hanggang 1970 at nakapagtapos ng master sa Siyensiya at doktorado sa Matematika. Bumalik siyá sa Filipinas upang magturo, nanungkulang dekano ng Paaralan ng Arte at Agham sa Ateneo de Manila University (1973–1980), rektor ng Loyola House of Studies (1980–1982), superyor ng mga Heswita sa Filipinas(1983–1989), pangulo ng Xavier University (1990–1993), at pangulo ng Ateneo de Manila University sa loob ng labingwalong taon (1993–2011). (SMP)

Cite this article as: Nebres, Fr. Bienvenido F.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/nebres-fr-bienvenido-f/