Jerimias Elizalde Navarro
(22 Mayo 1924–10 Hunyo 1999)
Si Jerimias Elizalde Navarro (Dye·ri·mí·yas E·li·zál·de Na·vá·ro) ay itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal noong 1999. Isa siyang pintor, eskultor, dibuhista, ilustrador, tagadisenyong grapiko, manlilikha ng print, collage, at iba pang mixed media. Bahagi siya ng kilusang modernismo at kapanabayan nina Vicente Manansala, H.R. Ocampo, Arturo Luz, at ng kaniyang dating maestro na si Carlos Francisco.
Una siyang nagtanghal ng solong eksibisyon noong 1954 sa Philippine Art Gallery. Noong 1995, itinanghal naman sa Metropolitan Museum ng Maynila ang retrospektibo ng kaniyang mga likha sa loob ng 45 taon. Masusulyapan sa eksibisyong ito ang saklaw at pagkakaiba-iba ng kaniyang mga likha, at natatanging husay niya sa napakaraming disiplina ng sining biswal. Ang paglalangkap ng inspirasyong Asyano sa kaniyang mga likha ay paglihis sa karaniwang paghalaw mula sa kanluraning estetika ng maraming Filipinong manlilikha. Karaniwang mababanaag ang sining at kulturang Balinese at estilong Shibui ng mga Japanese sa ilan niyang obra.
Kinikilalang pangunahin sa kaniyang mga likhang mixed media ang I’m Sorry Jesus, I Can’t Attend Christmas This Year (1965), Homage to Dodjie Laruel (1969, koleksiyon ng Ateneo Arts Gallery), A Flying Contraption for Mr. Icarus (1984, Lopez Museum). Ang The Four Seasons (1992, koleksiyon ng Prudential Bank), isa pang pangunahing obrang oleong abstrak na may apat na panel, ay mahalagang halimbawa ng paggamit niya ng kulay na sagad ang igting at hitik sa mga hugis. Kinatawan ni Navarro ang Filipinas sa Sao Paolo Biennale sa Brazil noong 1969 at 1971. Nagkamit ng Unang Gantimpala ang kanyang Baguio sa ikalawang Watercolor Exhibition ng Art Association of the Philippines noong 1952.
Isinilang siya sa Antique noong 22 Mayo 1924 sa magasawang sina Emiliano Navaro at Paz Elizalde. Napangasawa niya ang isa ring alagad ng sining na si Virginia Ty. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Santo Tomas(UST) ng batsilyer ng fine arts noong 1951 at nag-aral sa Arts Students League sa New York, Estados Unidos noong 1953. Naging guro rin siya sa UST at sa Randwick University sa Sydney, Australia. (RVR)