Marcel M. Navarra
(2 Hunyo 1914–28 Marso 1984)
Tinagurian si Marcel M. Navarra (Mar-sél Na-vá-ra) na“Ama ng Modernong Maikling Kuwentong Sebwano.” Ipinanganak siyá noong 2 Hunyo 1914 sa isang mahirap na pamilya sa Tuyom, Carcar, Cebu ngunit matiyagang binása ang anumang babasahín hanggang matutong sumulat. Umaabot diumano sa sandaan ang maikling kuwento naisulat niya.
Una siyáng nakilála nang magwagi sa timpalak sa magasing Bisaya ang kuwentong “Ug Gianod Ako” (At Inaanod ako) noong 1937. Bago ito, nalathala sa Cebu Advertizers ang kaniyang unang tula noong 1930 hábang nilathala naman sa Nasud ang kaniyang unang kuwento noong 1931. Kinikilala rin ang kaniyang kuwentong“Paingon sa Bag-ong Kalibutan” (1947, Tungo sa Bagong Mundo) at “Ang Hunsoy Sunsungan Usab” (1954, Ang Hungkag na Hunsoy).
Sinikap niyang mamuhay sa pamamagitan ng pagsulat. Naging editor siyá ng Bisaya sa Maynila sa mga taóng 1938–1941. Bumalik siyá sa Cebu sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naging patnugot siyá ng Lamdag noong 1947, naging bahagi ng Bulak noong 1948, at ng Republic Daily noong 1948–1952. Huminto siya sa pagsulat noong1955 pagkatapos niyang isulat ang “Si Zosimo”. Ngunit bumalik siyá sa Maynila at naging editor muli ng Bisaya hanggang 1972. Namatay siya noong 28 Marso 1984 sa bayang kaniyang sinilangan. (JGP)