Jose Ma. Nava
(31 Hulyo 1891–14 Enero 1954)
Kilalá si Jose Ma. Nava (Ho·sé Ma Ná·va) hindi lámang bilang pangunahing sarsuwelista sa wika ng mga Ilonggo at peryodista kung hindi maging sa kilusang manggagawa sa Kanlurang Bisayas.
Labintatlong gulang pa lámang ay binuo niya ang Progreso Infantil, isang organisasyong nagsasadula ng mga bodabil sa wikang Español. Sa taón ding iyon, kasáma ang kaniyang kapatid na si Mariano, sumali silá sa Sociedad Lirico-Dramatica. Naging aktor siyá at kasáma sina Antonio Salvador at Narciso Bantegui, binuo nilá ang NaSalBanti Company na umikot upang magtanghal sa mga bayan ng Negros Occidental. Ilan sa mga sarsuwelang naisulat ni Nava ay ang Si Luding, Si Datu Palaw, Carnaval, Anak sang Yawa (Anak ng Demonyo), Ang Kulintas nga Saway(Ang Tansong Kuwintas), Pasion ni Cristo, at Buhi nga Bangkay (Buháy na Bangkay).
Nagsimula ang buhay-peryodista ni Nava nang maging manunulat siyá sa El Tiempo, isang lokal na diyaryo sa wikang Español at kalaunan ay naging patnugot. Nang magsara ang El Tiempo noong 1922, sinimulan niya ang sariling pahayagang La Prensa Libre sa taón ding iyon. Kasáma si Vicente Ibiernas, kababatà ni Nava, itinatag nilá ang unang organisasyong pangmanggagawa na Union Obrera de Iloilo noong 1917. Matapos ang 11 taon, itinatag at pinamunuan niya ang Federacion Obrera Filipina noong1928 na nagkaroon ng mahigit sa 200,000 miyembro.
Isinilang si Jose Ma. Nava sa Lungsod Iloilo at anak nina Mariano Nava, tubòng-Binondo, at Estefa Nuñal na isang Ilonggo. Nag-aral siyá sa Iloilo Central School, Iloilo High School at sa Iloilo Normal School bago siyá nag-aral ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas hábang nag-aaral din ng fine arts sa naturang institusyon. Naging asawa niya ang soprano ng grupong NaSalBanti na si Adela Carañeta. Nang mamatay si Carañeta hábang ipinapanganak ang kanilang ika-11 anak, nag-asawang muli si Nava kay Adelina Aldeguer at nagkaroon ng siyam na anak. Namatay si Nava sa sakit sa puso sa Manila Sanitarium noong14 Enero 1954. (SJ)