Nasyónalísmo
Ang nasyónalismo ay isang sistema ng paniniwala o ideolohiyang politikal ng pagiging makabansa, ng katapatan sa interes ng bansa, ng identipikasyon nang may pagmamalaki sa kultura at tradisyon ng bansa, at ng paglulunggating matamo ang pambansang pagsulong. Pinaniniwalaang ang nasyonalismo ay isang pangyayaring kamakailan lamang naganap at nangangailangan ng mga kondisyong estruktural ng mga modernong lipunan. Ang mga pambansang watawat, pambansang awit, at iba pang simbolo ng mga pagkakakilanlang pambansa ay itinuturing na mahalagang sagisag ng pagkakabuklod-buklod.
Ang salitang nasyonalismo, mula sa German na nationalismus, ay nilikha ni Johann Gottfried Herder noong1770s. Hindi tiyak kung saan umusbong ang nasyonalismo ngunit pinaniniwalaang ang pag-unlad nitó ay mahigpit na kaugnay ng modernisasyon ng estado at ng pagtangkilik sa soberanyang popular. Ang sentimiyentong ito ay sumidhi at naging politikal noong Rebolusyong French at Rebolusyong Americano ng hulíng bahagi ng siglo 18. Ang nasyonalismo ay naging mahalagang puwersang politikal at sosyal sa kasaysayan at naging impluwensiya sa naganap na Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdaig. Ang paniwala ng iskolar na si Benedict Anderson, ang pagkalat ng mga limbag na teksto at ang pag-unlad ng sistema ng palimbagan sa kabuuan ang lumikha at pumukaw ng kamalayang makabansa ng mga tao.
Ang nasyonalismo sa Filipinas ay nagsimula noong siglo19, resulta ng mahigit tatlong siglo ng kolonyalismong Español. Sa pangkat ng mga creoles nagsimula ang binhi ng kamalayang pambansa na pagkaraan ay pauunlarin at paiigtingin ng mga ilustrado at isasakatuparan naman ng mga Indio. Sinasabing bunga ito ng mahahalagang salik, tulad ng sekularisasyon ng mga simbahan, pagbabagong pang-ekonomiya, at pagkabuo ng isang uring edukado.
Pinakabantog si Padre Pedro Pelaez sa mga paring Filipino na ipinaglaban ang sekularisasyon ng mga simbahan sa Filipinas o ang pagbibigay ng karapatan sa mga katutubo na mangasiwa at magpatakbo ng simbahan. Nang mamatay siyá sa lindol noong 1863, ipinagpatuloy ni Padre Jose Burgos ang adhikang sekularisasyon. Pinaghinalaan siyáng pasimuno ng pag-aalsa sa Cavite noong 1872 at binitay kasáma sina Mariano Gomez at Jacinto Zamora noong Pebrero 1872.
Sa ekonomiya, unti-unting huminà ang Kalakalang Galeon ng Maynila at ng Acapulco, Mexico noong siglo 18. Nang magbukás ang Kanal Suez noong Nobyembre 1869, napadalî ang kalakalan ng Filipinas at España. Binuksan din ang ilang daungan sa Pangasinan, Iloilo, Zamboanga, Cebu, Legazpi, at Tacloban. Nagbunsod ang inter-aksiyon na ito ng mabilisan at malawakang paglaganap ng mga kaisipang liberal mula Europa tungong Filipinas. Sa pamamagitan ng pinabilis na paglalakbay sa dagat, nagkaroon ng pagkakataon ang mga Filipino na makapag-aral sa Europa kung kayâ nasimsim nilá ang kaisipang liberal mula sa Panahon ng Kaliwanagan (Age of Enlightenment) at Rebolusyong French. Sa pamamagitan ng panulat nina Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Jose Rizal at iba pang ilustrado ay napaigting ng Kilusang Propaganda ang nasyonalismo sa loob at labas ng Filipinas. Itinaas naman ng mga tulad nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang pag-ibig sa bayan tungo sa Himagsikan para sa kalayaan ng Filipinas. (KLL)