Julio Nakpil
(22 Mayo 1867–2 Nobyembre 1960)
Si Julio Nakpil (Húl·yo Nak·píl) ay isang kompositor at rebolusyonaryo. Isinilang siyá noong 22 Mayo 1867 sa Quiapo, Maynila kina Juan Nakpil, isang musikero at alahero, at Juana Garcia. Nakapag-aral siyá sa Escuela de Instruccion Primaria sa Quiapo nang dalawang taón. Nagaral naman siyá ng pagtugtog ng biyolin sa ilalim ni Ramon Valdes at piyano sa ilalim ni Manuel Mata. Noong1888, nalikha niya ang una niyang piyesa, isang polka. Naging guro siya ng pagtugtog ng piyano at nagpatuloy sa paglikha ng mga tugtugin.
Noong Himagsikang 1896, naging kumander siya ng mga rebolusyonaryo sa hilaga sa ilalim ni Andres Bonifacio. Karamihan sa kaniyang mga komposisyon sa panahong iyon ay naimpluwensiyahan ng rebolusyon. Isinulat niya ang sagradong awit ng Katipunan, ang Marangal na Dalit ng Katagalugan, sa hiling ni Andres Bonifacio. Matapos ang sinasabing iniutos na pagpatay kay Bonifacio, nakatanggap din siyá ng mga banta sa kaniyang buhay.
Matapos ang rebolusyon, pinakasalan niya si Gregoria de Jesus, ang biyuda ni Bonifacio. Lumipat silá sa Maynila at nagkaroon ng anim na anak. Isa sa mga ito ay si Juan Nakpil, ang naging Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura. Nagpatuloy siyá sa paglikha hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1960. Ang ilan pa sa mga naisulat niyang awitin ay ang Amor Patrio (1893), Pahimakas (1897), Pasig Pantayanin (1898), Sueño Eterno (1893). Inilabas noong 1964 ang Julio Nakpil and the Philippine Revolution, ang kalipunan ng kaniyang mga talâ sa rebolusyon. Nakatanggap siyá ng mga parangal at pagkilala: isang diploma mula sa Exposicion Regional Filipina noong 1895 para sa kaniyang Luz Poetica de la Aurora, Recuerdos de Capiz, at Exposicion Regional Filipina; diploma at medalya mula sa Exposition of Hanoi noong 1902; diploma at medalya sa St. Louis International Exposition sa Estados Unidos noong 1904; medalya mula sa Civic Assembly of Women noong 1954. Yumao siyá noong 2 Nobyembre1960. Noong 1963, pinarangalan ng Bonifacio Centennial Commission ang kaniyang patriyotismo. (KLL)