Juan Nakpil
(26 Mayo 1899–7 Mayo 1986)
Si Juan Nakpil (Hu·wán Nak·píl) ay isa sa pinakamahusay na arkitekto ng Filipinas, at hinirang bilang unang Pambansang Alagad ng Sining para sa Arkitektura. Nagsulong siyá ng mga inobasyon sa larang ng arkitektura at nanalig sa pagkakaroon ng “Arkitekturang Filipino” na nakaugat sa mga tradisyon at kultura ng ating bansa.
Ilan sa mga likha ni Nakpil ang San Carlos Seminary, Geronimo de los Reyes Building, Magsaysay Building, Rizal Theater, Capitol Theater, Captain Pepe Building, Manila Jockey Club, Rufino Building, Philippine Village Hotel, University of the Philippines Administration and University Library, at ang bagong Dambanang Rizal sa Calamba, Laguna. Siya rin ang lumikha ng disenyo ng altar ng International Eucharistic Congress at pinaunlad ang Simbahang Quiapo noong 1930 sa paglalagay ng dome at ikalawang belfry.
Ilan sa mga karangalang natanggap niya ang Architect of the Year (1939, 1940, 1946), gintong medalya ng pagkilala mula sa Institute of Architects (1950), Most Outstanding Professional in Architecture mula sa Philippine Association of Board Examiners (1951), pandangal na correspondent member ng Societe de Architectes par le Gouvernement Francais (1952), Chevalier de la legion d’Honneur (1955), Presidential Medal of Merit mula kay Pangulong Ramon Magsaysay (1955), correspondent member ng Colegio de Arquitectos de Chile (1956), Patnubay ng Sining at Kalinangan Award(1968), Republic Cultural Heritage Award (1971), Rizal Pro Patria Award (1972), at ang pagkilala bilang Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.
Isinilang siyá noong 26 Mayo 1899 sa Quiapo, Maynila kina Julio Nakpil, isang pinunò ng Katipunan sa Hilagang Luzon, at Gregoria de Jesus, dáting maybahay ni Andres Bonifacio. Nagtapos siyá sa Manila High School noong1917 at kumuha ng inhinyeriya sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa UP din siyá nag-aral ng sining sa ilalim nina Fabian de la Rosa at Fernando Amorsolo. Matapos ang dalawang taon sa UP, pumasok siyá University of Kansas sa Estados Unidos at natamo niya ang digri sa civil engineering noong 1922. Nagkamit siyá ng diploma sa arkitektura sa Fountainbleau School of Fine Arts sa Pransiya, at M.D. sa Harvard University. Pumanaw siyá noong 7 Mayo 1986 at inilibing sa Libingan ng mga Bayani. (PKJ)