nága
Ang nága (Pterocarpus indicus) ay isang napakahalagang punongkahoy sa Filipinas dahil sa tibay, bigat, at mataas na kalidad nitó. Kilalá rin ito sa pangalang “asana”, o “angsanâ,” bagaman nakalulungkot na naging popular sa binaluktot na bigkas na “nárra” noong panahon ng Español. Ito ang pambansang punongkahoy ng Filipinas at ang panlalawigang punongkahoy ng Chonburi at Phuket sa bansang Thailand. Matatagpuan ito sa maraming lugar sa ating bansa, kadalasan sa mga pangunahing kagubatan at kapatagan. Malaki itong punongkahoy, maaaring tumaas nang 25 metro o higit pa. Ang mga dahon ay may 15 hanggang 30 sentimetro ang habà, may mababangong bulaklak na kulay dilaw at may 1.5 sentimetro ang habà. Mula Pebrero hanggang Mayo ang pamumulaklak ng nága sa Filipinas, Borneo, at Malay peninsula.
Itinuturing na napakahalaga ng nága dahil sa magandang kahoy na karaniwan nang ginagamit sa konstruksiyon at paggawa ng mga muwebles. Ang mahahalagang bahagi ng marimba, isang instrumentong pangmusika, ay gawa sa kahoy na naga. Hindi gaanong inaanay at binubukbok ang kahoy nitó na tila amoy rosas. Nagbibigay rin ang kahoy nitó ng mga tina o sangkap pangkulay tulad ng narrin at santalin na ginagamit pangkulay ng mga katutubo. Ang mga bulaklak ay kinukunan ng pulut-pukyutan (honey), samantalang ang magulang na dahon ay maaaring gamitin bilang gugo o shampoo. Ginagamit din ang mga murang dahon nitó sa pagpapagaling ng ulcer, bungang araw, at sa pagpapahinog ng pigsa.
Mayroong kemikal sa nakukuha sa Pterocarpus indicus. Ito ay ang kino, isang bagay na parang pandikit. Kilal-ang-kilala ang kino sa kultura ng Malay bilang gamot sa pagtatae at disenteriya. Puwede rin itong gamitin bilang astringent para sa proteksiyon ng balát at mga panloob na bahagi ng katawan. (SSC)