Ramón Muzónes
(20 Marso 1913–17 Agosto 1992)
Si Ramón Muzónes ay isang bantog na nobelista at manananalaysay sa wikang Ilonggo. Nagingmahalaga siyá sa pagpapaunlad ng panitikang Ilonggo at tinaguriang Ikalawang Hari ng Nobelang Ilonggo.
Siyá ang panganay sa10 anak nina Santiago Muzones, isang kutsero mula sa Miag-ao, at Florentina Larupay. Pinakasalan niya si Adelaida de la Cruz na mula sa Kabankalan, Negros Occidental, at nagkaroon silá ng 7 anak. Nagtrabaho muna siyá sa pantalan ng Iloilo bago naging bahagi ng Hiligaynon bilang isang tagasalin ng Kenkoy komiks at kalaunang naging isa sa mga tinitingalang manunulat nitó. Napag-aral niya ang sarili pati ang mga kapatid sa pamamagitan ng kaniyang pagsusulat. Kumuha siyá ng pre-law sa Far Eastern University at nagtapos ng abogasya sa Central Philippine University sa Iloilo noong 1952.
Noong siyá ay isang nagsisimulang peryodista, naging popular ang kaniyang seryeng “Kuting-Kuting sa Kudyapi” na naging dahilan ng halos muntik na niyang pagkakahabla dahil sa libelo. Bagaman sumulat siyá ng mga tula, maikling kuwento, at sanaysay, sa nobela lumabas ang kaniyang husay sa pagsusulat. Isinulat niya ang kaniyang unang nobela, Tibud nga Bulawan (Palayok ng Ginto), noong 1938 para sa Hiligaynon. Marami siyáng kathang naging kaunaunahan sa panitikang Ilonggo: ang unang roman a clef, Maambong nga Sapat (Magandang Hayop) noong 1938; ang unang nobelang feminista, Bagong Maria Clara noong 1939; ang unang nobelang katatawanan, Tamblot noong 1948; ang unang satirang politika, Si Tamblot Kandidato Man noong 1949; at ang pinakamahabang nobelang nakaserye, Dama de Noche (Woman of the Night) noong 1980. Ang kaniyang obra maestra ay ang Margosatubig noong 1946, ang kauna-unahang Ilonggo bestseller. Nakasulat siyá ng 62 nobela sa loob ng tatlong dekada.
Inilaan din niya ang oras sa pagpapaunlad ng panitikang Ilonggo sa iba’t ibang paraan gaya ng paglalabas ng balarila at diksiyonaryong Ilonggo. Naging mahalaga rin siya sa pagbubuklod ng iba’t ibang organisasyong pampanitikan. Itinatag niya ang Sumakwelan na naglalayong panatilihin at paunlarin ang wikang Ilonggo. Iginawad sa kaniya ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1988 at ng Gawad CCP Para sa Sining noong 1989. (KLL)