Eduardo Mutuc
Ipinagkaloob kay Eduardo Mutuc (Ed·wár·do Mú·tuk) ng Apalit, Pampanga ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taong 2005. Para sa paglalaan niya ng kaniyang buong buhay sa paglilok ng mga retablo, altar, karosa, at iba pang mga relihiyoso o sekular na likhang-sining gamit ang pilak at kahoy.
Sa mga bahay at simbahan matatagpuan ang kaniyang mga likha. May maliliit tulad ng mga kerubin at mayroong umaabot nang 40 talampakan. Isa sa mga una niyang nililok ang tabernakulo sa parokya ng Fairview sa Lungsod Quezon na ipinagawa ni Monsignor Fidelis Limcauco.
Edad 29 nang magpasiya si Mutuc na maglilok. Isa siyang magsasaka noon na nais maragdagan ang kaniyang kinikita dahil sa lumalaking pamilya. Dahil batid niyang hindi marami ang oportunidad para sa isang nakapagtapos lamang ng elementarya, nagsumikap siya sa napiling sining bagaman batid niyang tatlong piso lamang ang karagdagang maiuuwi niya sa pamilya araw-araw.
Isang taon siyang sumailalim sa gabay ng mga dalubhasa sa paglililok. Pagsapit ng kaniyang ikalimang taon, isang kaibigan ang nagturo sa kaniya ng silver plating. Isa itong sining ng pagguguhit ng disenyo, paglililok ng molde nito sa kahoy, paghuhulma ng nagawang disenyo sa plantsang metal, at pagtutubog sa disenyo sa kumukulong pilak. Karaniwang ginagamit ang silver plating sa paglikha ng mga dahon na pilak at ginto upang magsilbing dekorasyon sa mga santo at iba pang mga palamuti sa simbahan noong panahon ng mga Español.
Nilisan niya ang pagawaan ng muwebles nang matutuhan ang bagong sining. Kasama ng isa pang kaibigan, nagpatayô sila ng sariling pagawaan. (GB)