Muséong Pásig
Ang Muséong Pásig ay matatagpuan sa Plaza Rizal ng Barangay San Jose sa Lungsod Pasig. Nauna itong nakilala bilang Concepcion Mansion na ipinatayô noong 1937 ni Don Fortunato Concepcion, isang negosyante at dating alkalde ng Pasig mula 1918 hanggang 1921. Idinisenyo ang mansiyon ng arkitektong si Felizardo Dimanlig. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit ito ng mga Japanese bilang himpilan at piitan. Noong 19 Pebrero1945, itinaas ang bandila ng America sa tore ng mansiyon na sagisag ng pagtatapos ng pananakop ng mga Japanese sa Pasig. Ito rin ang Araw ng Paglaya ng Pasig.
Nakuha ng Lungsod Pasig ang Concepcion Mansion noong 1980 mula sa mga tagapagmana ni Dr. Jose Concepcion, anak ni Don Fotunato. Sa loob ng dalawang dekada, ito ang nagsilbing aklatan at museo ng siyudad. Nagkaroon ng renobasyon sa gusali noong Oktubre 2000, at noong 2001, naging isa itong ganap na museo. Naging tanda ang museo ng pagsisimula ng pag- susulong ng Lungsod Pasig sa mga gawaing pansining, pangkultura, at pagkasaysayan.
Nagkaroon ng malawakang rehabilitasyon at rasyon sa museo noong Pebrero 2008. Muli itong pinasinayaan noong 6 Hunyo 2008 sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kasaysayan at mga pamana ng siyudad. Isa ang Museong Pasig sa pinakamahusay na museong pambayan na naglalaman ng timeline ng kasaysayan ng Pasig, photo exhibit ng mga dinarayong lugar sa lungsod, bulwagan ng Natural Science, at ilan sa mga orihinal na muwebles at kasangkapan sa bahay ng mansiyon. (ECS)