Muséong Négros

Matatagpuan ang Negros Museum, o Muséong Négros sa Kalye Gatuslao, Lungsod Bacolod. Ito ang panlalawigang museo ng Negros Occidental sa Kanlurang Visayas. Isa ito sa mga pangunahing atraksiyong panturista ng lungsod.

Una itong dinalumat noong1987 at binuksan noong Marso1996 sa lumang gusaling Provincial Capitol, isa sa dakilang obra ng arkitekturang Filipino. Ipinatayô ang gusali noong1925 gamit ang disenyong neoklasikal ng Americanong arkitektong si Daniel Burnham. Ito ang nagsilbing tanggapan ng mga gobernador ng Negros Occidental hanggang dekada sitenta. Noong 1992, ibinigay ng pamahalaan ang gusali sa Negros Cultural Foundation. Itinuring diumano ng Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura Leandro V. Locsin ang gusali bilang pinakamagandang kapitolyo sa Filipinas. Noong2003, lumipat ang museo sa kasalukuyan nitóng tahanan, ang dating Agricultural Building.

Natatangi ang museo dahil alinsunod sa layon nitó, hindi ito nagtutuon ng pansin sa kagamitan at artifak, kundi sa paggamit ng kontemporaneong likhang sining at mga reproduksiyon upang ilahad ang kasaysayan ng lalawigan at buong isla ng Negros. Tinatalakay dito ang kasaganaan ng lalawigan noong panahon ng mga plantasyon at asyenda ng asukal hanggang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang panahon ng kagipitan nang bumagsak ang industriya ng asukal. Itinatampok ng museo ang mga Iron Dinosaur, o mga tren na naging susi sa transportasyon ng asukal, replika ng “batil” (bangkang pangkargo), ilang obrang sining biswal, at ang galeriya ng mga laruan. Matatagpuan sa JGM Gallery of International Folk Art and Folk Toys ang mahigit 3000 laruan mula sa mahigit 60 bansa. (PKJ)

Cite this article as: Museong Negros. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/museong-negros/