Muséong Metropólitán ng Maynilà

Matatagpuan ang Metropolitan Museum of Manila, o Muséong Metropólitán ng Maynilà sa Bangko Sentral ng Pilipinas Complex sa Roxas Boulevard, Lungsod Maynila. Kilalá sa palayaw na ”Met,” isa ito mga pangunahing museo ng makabago at kontemporaneong sining biswal sa Filipinas.

Itinatag 1976, una nitóng itinampok ang mga likhang sining mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nilayon nitóng palawigin ang kamalayan ng mga Filipino sa mga kultura ng mundo at bigyan silá ng pagkakataong makita ang mga dayuhang obra sa orihinal na anyo. Malaking bahagi ng koleksiyon ng mga artifact ng sining at kasaysayan ay iginawad ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Noong 1986, nagdaos ang Met ng 90 eksibit ng dayuhang sining, kabilang ang mga obra ni Pablo Picasso at Paul Klee, at ilang pangkat mula sa Germany, Italy, Mexico, Estados Unidos, at Yugoslavia.

Noong taon ding iyon, pinalawig ng museo ang koleksiyon nitó upang magsama ng mga likhang sining ng Filipinas. Ilan sa mga unang eksibit nitó ay sina Juan Luna, Felix Ressurecion Hidalgo, Vicente Manansala, Arturo Luz, J. Elizalde Navarro, Ang Kiukok, Fernando Zobel, at Anita Magsagsay Ho. Noong 1993, itinayô ng Met ang eksibit na “Pook Pamana” sa Hall Miro ng Paris, Pransiya, bilang suporta sa kampanyang mapabilang ang limang pook sa Filipinas sa UNESCO World Heritage Sites.

Sa kasalukuyan, tampok sa koleksiyon ng museo ang mahigit sandaang pintura at lilok na likha ng mga kontemporaneong Filipinong alagad ng sining, tulad nina Ben Cabrera, Pacita Abad, at Napoleon Abueva. Mayroon itong kalipunan ng mga print ng mga tanyag na dayuhang artista ng ika-20 siglo tulad nina Claes Oldenberg, Jasper Johns, Barbara Hepworth, at Henry Moore. Makikita din sa museo ang koleksiyon ng sining panrelihiyon at mga ginto at palayok mula sa panahong bago dumating ang mga Español. Nagdadaos din ang Met ng mga kumperensiya at panayam tungkol sa sining. (PKJ)

Cite this article as: Museong Metropolitan ng Maynila. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/museong-metropolitan-ng-maynila/